top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | September 10, 2023




Iginiit ni Health Secretary Ted Herbosa na normal lang na ma-expire-an ng gamot.

Giit ni Herbosa, may porsyento talaga ng supply ng gamot ang inaabot na ng expiration.

Inihalimbawa niya ang bakuna na maikli ang shelf life.


Hindi lang naman aniya ito nangyayari sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Aniya, dapat talaga ay sakto lang ang ino-order pero mahalaga rin umano na mayroong sobra sa supply.


“We always buy sobra. We want to buy sobra. Even with our national immunization program, bumibili talaga tayo ng sobra. Because I’d rather have sobra than kulang. Kung sobra, dapat matuwa ka nu'n kasi may reserve ka,” pahayag ni Herbosa. Ang pahayag ni Herbosa ay kasunod ng report ng Commission on Audit na nasa P7.4 billion na halaga ng gamot at iba pang supplies ang nasayang matapos abutan ng expiration o pagkasira.


Tiniyak naman ni Herbosa na titingnan niya ang sitwasyon at kung paano ito maiiwasan.



 
 

ni Madel Moratillo @News | September 8, 2023



Aabot sa 7.43 bilyong pisong halaga ng mga gamot at iba pang nasa imbentaryo ng Department of Health (DOH) ang expired na, malapit nang mapaso o damaged na.


Batay ito sa pinakahuling report ng Commission on Audit, kung saan nakitaan ng deficient procurement planning, poor distribution at monitoring systems, at iba pang kahinaan sa internal control sa kagawaran na nagresulta umano ng pagkasayang ng pondo ng gobyerno.


Nakasaad sa audit report ang Presidential Decree No. 1445 o ang Government Auditing Code of the Philippines na lahat ng resources ng gobyerno ay dapat ma-manage nang naaayon sa batas para maiwasan ang pagkasayang.


Ang expired na gamot at iba pang imbentaryo ay nagkakahalaga ng P2.391 million, habang ang iba naman ay slow-moving stocks na nagkakahalaga ng P5.6 billion at ang na-delay o hindi naipamahagi ay nagkakahalaga ng P1.5 billion. Binanggit din sa COA

report na may 2.2 milyong vials at 1.6 milyong doses ng wasted at expired COVID-19 vaccines ang nakita.


Mayroon ding 11,976 bakuna ang malapit nang mapaso.


Sinabi umano ng DOH sa COA na naipag-utos na nila ang proper disposal ng expired na mga gamot.


Inatasan na rin umano ng DOH ang kanilang supply officers na regular na mag-monitor ng natitirang stocks bago tumanggap ng deliveries para maiwasan ang overstocking.



 
 

ni Madel Moratillo | May 28, 2023




Halos P70 milyong pondo ng gobyerno para sa COVID-19 response ay hindi umano napunta sa mga dapat na benepisyaryo nito.


Sa Performance Audit Report ng Commission on Audit sa COVID-19 Adjustment Measures Program beneficiaries o CAMP, isang programa ng gobyerno na nagbibigay ng financial support sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, lumilitaw na ang P70.26 milyon ng CAMP fund ay ibinigay sa 14,052 beneficiaries. Pero sa bilang na ito, 6,214 umano ang "ineligible" habang ang 7,838 ay "probably ineligible beneficiaries".


Ito ay dahil natukoy na nakatanggap na sila ng financial assistance sa ilalim ng iba pang financial support program ng gobyerno gaya ng Small Business Wage Subsidy Program ng Social Security System at Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development.


Ang iba sa kanila ay natukoy na lagpas sa P40K threshold ang monthly gross salary.


Ayon sa COA, dumepende umano ang DOLE sa deklarasyon ng aplikante dahil walang available at kumpletong centralized database na puwede nilang pagbasehan kung ang aplikante ay nakatanggap na ng iba pang financial assistance ng gobyerno.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page