ni Lolet Abania | August 31, 2020
Mahigit sa 20 lumang bandila ang sinunog sa Binan, Laguna kasabay ng selebrasyon ng National Heroes’ Day ngayong araw. Isinagawa ang pagdiriwang bilang pagkilala sa mga sakripisyo ng mga bayani na nagbuwis ng buhay para sa ating bansa.
Nagmula ang national flags sa iba’t ibang paaralan at mga ahensiya ng gobyerno sa Binan, na sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng flag-burning ceremony.
“Sinunod natin ‘yung ating batas, ‘yung flag and heraldic code natin, na sila ay sunugin sa tamang pamamaraan,” sabi ni Mayor Arman Dimaguila.
Sa ilalim ng Republic Act 8491, ang isang kupas at lumang bandila ay dapat nang sunugin, “to avoid misuse or desecration.” Gayundin, ibinaon sa ilalim ng lupa ang mga abo ng bandila na bahagi ng pagdiriwang.
“Inilibing natin sila para naman maipakita ‘yung paggalang natin sa mga watawat natin,” sabi ni Dimaguila. Samantala, sa iba pang naganap na seremonya ngayong araw, ang mga frontliners ay binigyang-parangal bilang bayani sa pakikipaglaban sa pandemya ng coronavirus o COVID-19.