top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 1, 2022



Kalaboso ang dalawang South Korean fugitives na pawang mga miyembro umano ng isang malaking sindikato, matapos mahuli sa NAIA Terminal 4. Kasunod nito ang pagkadakip din sa isa pang puganteng Koreano na lider naman umano ng sindikato ng scam sa kanilang bansa.


Ayon sa Bureau of Immigration - Fugitive Search Unit (BI-FSU), tinukoy na kapwa priority targets ang dalawang naarestong pugante dahil sa malaking operasyon ng kanilang grupo sa South Korea.


Pahayag ni Rendel Sy, hepe ng BI-FSU, may standing warrant of arrest na ang dalawang South Korean nationals na mga lider umano ng isang telecom fraud syndicate na nag-o-operate sa Pilipinas.


Batay sa ulat, nakapangulimbat na umano ang mga sindikato ng 80 milyong Korean won. Kaya pagkaraang ma-monitor ang pagbabakasyon ng mga ito sa Palawan ay inabangan na ng mga awtoridad ang dalawa sa airport, na nagdulot ng bahagyang tensiyon matapos umanong tangkain pang tumakas ng mga suspek mula sa mga aaresto sa kanila.


Samantala, sa hiwalay namang operasyon sa Quezon City, nadakip din ang isang puganteng Koreano na lider din umano ng sindikatong ang modus ay pang-i-scam, at sangkot din sa pagpatay sa kapwa Koreano nito sa Pilipinas.


Ani Police Lieutenant Colonel Bryan Andulan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite, "Mayroon silang birthday celebration doon ng magkakaibigan, nagkaroon sila ng heated argument, nagkaroon sila ng fistfight, nagkataon na 'yung kaibigan niya ay napuruhan niya, nagkaroon ng head trauma."


Kasalukuyan nang nasa panig ng mga awtoridad ang mga nadakip na salarin upang hainan ng mga karampatang kaso.


 
 

ni Thea Janica Teh | November 28, 2020




Sumuko na nitong Biyernes nang hapon ang mastermind sa pagpatay sa isang abogado sa Palawan noong Nobyembre 17 habang isa pang pulis ang nahaharap sa kaso kaugnay sa naturang krimen.


Ayon kay Palawan Provincial Office Director Col. Nicolas Torre, sumuko na ang isang hindi pa ipinapakilalang suspek at humingi ng protective custody upang maprotektahan umano ang kanyang buhay matapos nitong patayin si Atty. Eric Magcamit sa Narra, Palawan.


Papunta sanang hearing si Magcamit sa Quezon, Palawan nang pagbabarilin ng mga suspek. Natagpuan itong nakahandusay na sa kalsada sa labas ng kanyang sasakyan. Bukod umano sa dalawang ito, 8 pa ang pinaghahanap ng awtoridad at nahaharap sa kasong pagpatay.


Dagdag pa ni Torre, personal umano ang isa sa mga motibo sa krimen. Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng CIDG ang naturang mastermind habang ang iba ay pinaghahanap pa rin.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page