ni Mary Gutierrez Almirañez | March 24, 2021
Humingi na ng tawad sa publiko ang Diocese of Tagum sa Davao del Norte matapos mag-viral sa social media ang nagalit na pari habang itinuturo sa magulang kung paano ipupuwesto ang binibinyagang sanggol, ayon sa ini-upload na video ng isang May Flor Concon Decano nitong ika-13 ng Marso ngunit ngayo’y binura na.
Batay sa pahayag na pinirmahan nina Bishop Medil Aseo at Chancellor Father Vicente Arado, Jr., "This concerns the Baptism incident which has regretfully gone viral in the social media and other media platforms of which we are deeply sorry! We ask for everyone’s forgiveness for the pain and scandal this may have caused."
Tumanggi naman ang simbahan na ibigay ang pangalan ng pari na nagbinyag sa Nuestra Señora de la Candelaria Parish sa Bgy. Kimamon, Sto. Tomas, Davao del Norte.
Sa ngayon ay nakapag-usap na umano ang magulang ng sanggol at ang nasangkot na pari. Giit pa ng Diocese, "This Lenten Season gives us the opportunity to do some soul-searching as well as to resolve to make amend of our lives for the better. Learning from every lesson this incident has offered, may we as pilgrims to life eternal continually grow in holiness and perfection."