top of page
Search

ni Chit Luna - @Yari Ka! | December 13, 2020


Nananatiling bigo ang mga law enforcement agencies na masukol ang most wanted na drug lord, hindi dahil siya ay mala-palos sa dulas kundi dahil siya ay patuloy na kinakanlong ng kanyang kamag-anak na malakas ang kapit sa itaas.


Unang lumutang ang pagiging malapit ng drug lord sa bagitong pulitiko nang naglutangan sa social media ang sandamakmak na litratong nagpapakita sa kanilang dalawa sa maraming pagkakataon.


Sa pagsasaliksik sa background ng wanted na Tsekwa, hindi lang pala siya sa Pilipinas nagtatago sa batas kundi maging sa China kung saan siya ay nahaharap din sa patung-patong na kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga.


Gayunman, hindi rin naman argabyado si bagitong pulitiko na nagbibigay-proteksiyon dahil malaki umano ang iniambag nito sa kampanya noong ito’y sumabak sa pulitika.


At hindi pa riyan natapos dahil hangga’t napoprotektahan nito ang pinakamalaking tulak ng ilegal na droga sa bansa ay patuloy ang buhos ng suporta sa kanyang mga proyekto.


Malabo ring maubusan ito ng pera dahil patuloy lang ang operasyon ng sindikato sa ilegal na droga. Sa katunayan, isa marahil ang drug lord sa ilang may monopoly sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.


Sa sobrang lakas nito sa bagitong pulitiko, ilang opisyal ng pamahalaan ang nasakripisyo matapos sumingaw ang impormasyon hingil sa malalaking shipment nitong nakalusot sa mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad.


Sobrang hinayupak talaga ng Intsik na ‘yan lalo pa’t patuloy pa rin niyang sinisira ang buhay ng maraming Pilipino.

 
 

Malupit na protektor ng mining activities kaya tiba-tiba na sa delihensiya, pinangakuan pa ng mataas na posisyon!

ni Chit Luna - @Yari Ka! | December 8, 2020


Kabi-kabila kung sumahod ang isang opisyal mula sa mahalagang departamento ng gobyerno — mula sa tanggapan ng ahensiya kung saan siya’y ang amo hanggang sa mga kumpanyang kanyang pinoprotektahan.


Patunay nito ang kanyang pagbalewala sa memorandum na inilabas ng gobernador ng lalawigang lubhang nasalanta ng matinding pagbaha dulot ng mga bagyo nito lamang Nobyembre.


Sa nasabing memorandum na may petsang Nobyembre 26, pinatitigil ng gobernador ang lahat ng mining activities sa kanyang nasasakupan. Disyembre na subalit walang anumang ginagawang hakbang ang direktor.


Ang dahilan ng kanyang pagdedma sa direktiba — makasasama aniya sa infrastructure program ng gobyerno para sa Metro Manila ang tigil-operasyon sa pagmimina sa nasabing lalawigan na pinagmumulan ng malaking bahagi ng mga graba’t buhangin na gamit sa mga pagawaing bayan sa kabisera.


Dagdag pa niya, hindi pa siya nakatatanggap ng kopya ng nasabing pag-uutos.


‘Susmaryosep, hindi bahagi ng iyong trabaho ang mag-alala sa construction industry, at lalong wala kang pakialam sa usapin hinggil sa imprastruktura ng Metro Manila dahil ikaw ay namumuno sa panlalawigang tanggapan ng ahensiya na ang mandato ay protektahan ang integridad ng kalikasan, hindi ng mga lintek na sumisira sa kabundukan!


Ayon sa kasangga natin sa panulat, nakikinabang umano ang ating sa mga kumpanyang nag-o-operate sa naturang lalawigan. Kabilang sa mga kinukunan niya ng delihensiya ay ang mining companies na pag-aari ng kongresista at maging ang ilegal quarry sites na hawak naman ng alkalde ng bayang nasalanta.


Bukod sa regular na delihensiya ay nabahagian na rin pala siya ng shares sa ilang mining companies. Pinangakuan pang kukunin bilang miyembro ng board of directors sa sandaling ito’y magretiro.


Sa kabilang banda, tama siya na protektahan ang mga sumisira ng kabundukan dahil lubhang malaki ang kanyang ganansiya sa mga ito. Mapapa-OMG ka sa laki ng ganansiya ng kumag!

 
 

ni Chit Luna - @Yari Ka! | December 1, 2020


Wala na talagang atrasan ang pagtakbo sa pagka-senador ng beking miyembro ng kasalukuyang gabinete. Patunay ang dumadalas na pagpapapansin nito sa social media gamit ang istayl ng yumaong mambabatas. Bukod sa mga “hugot lines”, trying hard na KSP ang feeling-millennial ang ating bida.


Dangan na pinangakuan siya ng kanyang amo na isasama na siya sa opisyal na talaan ng mga kandidato para senador pagsapit ng 2022 elections, kaya naman lahat ng paraan ay kanyang gagawin para makuha ang atensiyon ng masa.


Gamit ang kanyang personal na FB account, mayroon siyang litrato na ginagamit kung saan siya’y may tangan-tangang papel na may mensaheng kanyang pinapalitan sa tuwing siya’y magpo-post.


Sa kanyang istayl, kuhang-kuha ang atensiyon ng mga middle-age Pinoys, at gamit naman ang kanyang “mema”, hagit niya ang mga bagong botanteng nabibibilang pa sa sektor ng kabataan.


Ayon sa mga chika, plano rin niyang mag-upload ng sangkaterbang TikTok videos sa kanyang masidhing hangaring mapag-usapan. Bakit nga naman hindi, publicity pa rin naman ‘yun, di ba?


Sino nga ba ang ating padiba, este, bida? Dahil mabait akes, may clues para sa inyo!


Una, dating siyang kongresistang kumakatawan sa partylist group. Siya rin ay abogado, pero wait lang dahil hindi siya basta abogado, siya ay dating human rights lawyer na piniling lunukin ang prinsipyo ma-appoint lang sa gabinete! ‘Kalokah!


Well, minsan na rin siyang nagtangkang tumakbong senador pero umatras siya sa kalagitnaan ng kandidatura nang mapagtantong matatalo lang siya.


Sa true lang, asang-asa ang bestfriend ng mga dolphins, este, ang ating bida na siya ay mapapabilang sa mga pambatong senador ng administrasyon. Lingid sa kanyang kaalaman, na isa lang siyang manikang ginagamit ng sa larangan ng pagiging butangero.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page