top of page
Search

Buking ang mga kawalanghiyaan, ‘di makulung-kulong dahil malakas ang kapit… ‘di kay ‘Lord’ kundi sa mataas na opisyal ng bansa

ni Chit Luna - @Yari Ka! | December 24, 2020


Sa gitna ng kawalang pag-asa, kadalasang takbuhan natin ay ang Panginoong kinakatawan ng mga tulad nating tao, maliban sa kanilang titulo bilang ‘alagad ng pababa pala tat’.


Lingid sa kaalaman ng nakararami na mayroong ilang lider ng sekta na nananamantala sa mga ganitong pagkakataon, na sa katunayan, itong kilalang pastor mula sa katimugang bahagi ng bansa ay hindi lamang minsan lumabag sa kanyang mga winiwikang kabanalan.


Bukod sa paglabag sa ‘Sampung Utos’ na kanyang pinangangaral, labag din sa batas ng tao ang pananamantala sa kababaihan.


Sumabit ang tinatawag na pastor ng malaking religious group nang sampahan siya ng kasong rape ng isang miyembro ng kanyang sekta. Batay sa salaysay ng nasabing biktima, bagets pa lamang siya nang siya’y simulang halayin ng nasabing ‘lider’. Ang biktima ay dalaga na ngayon.


Ang siste, sadyang malakas ang nasabing pastor sa mataas na opisyal kaya hindi naging mahirap sa kanyang ipa-dismiss agad ang asunto. Katuwiran ng piskalya, wala umanong ibang tao na puwedeng magpatunay na siya ay ginahasa.


Tila ang hanap ng piskalya sa biktima ay ang pangalan ng mga nanonood habang siya ay hinahalay. Tsk! Hindi rin daw pumalag man lang ang biktimang noong mga panahon na ‘yun. Sa mahabang panahon ay ginawa siyang parausan, bukod pa sa pilitan din siyang pinangingilak ng salapi para sa kanilang sekta.


Bukod sa kanya, biktima rin nito ang kanyang ka-relasyong staff na pilit na pinaamin ang money laundering case na naganap sa ibang bansa. Nasintensiyahan ang kanyang staff ng pagkakakulong — at siya naman ay hayahay, sa piling ng kanyang pinakabagong biktima —menor-de-edad na naman.


At hindi pa roon natatapos ang kabulastugan ng balasubas nating bida dahil bukod sa money laundering, pasok din siya na human trafficking. Gamit ang kanyang sekta, madali niyang naikukuha ng visa ang mga kliyenteng kanyang ginagawang bahagi ng entourage sa tuwing ito’y mangingibang-bansa para “mangaral kuno ng mga salita ng Diyos.”


Hindi nakapagtatakang sukdulan siya ng yaman ngayon — na katas ng kawalanghiyaan. Pwe!

 
 

Bait-baitan ang peg sa publiko, patung-patong naman ang kaso!

ni Chit Luna - @Yari Ka! | December 22, 2020


Sino ang mag-aakalang nagkalat pa rin magpahanggang ngayon ang mga bulaang propeta?


Sa katunayan, sa ‘Pinas ay mayroong kilalang personalidad na ginagamit ang pagiging ‘religious leader’ nang sa gayun ay pagtakpan ang kanyang mga kaso ng panunuba sa kapwa.


Si ‘Brader’ na ating bida ay may warrant of arrest pala mula sa southern Metro Manila.


Siya ay nahaharap sa patung-patong na kaso ng estafa kaugnay ng kanyang real estate business. Ang mga warrant of arrest ay ipinalabas na may 20 taon na ang nakararaan at hindi maipatupad dahil siya ay kilalang “all-weather VIP” dahil sa impluwensiya nito sa sinumang nakaupo.


Isa siya sa limang pinakatanyag na religious leaders sa bansa. Isa rin siya sa mga nilalapitan ng mga pulitikong hangad ay makuha ang suporta ng kanyang sekta. Interesante ring malamang may katumbas na pabor itong nakukuha sa mga pulitikong hanap ay kanyang basbas.


Sa pagdalo pa lang sa kanyang prayer meeting, kargado na. Iba pa ang karga kung ang pulitiko ay kakain ng oras sa gitna ng entablado upang magsalita. Pinakamalaki ang ‘ayuda’ kung nais pa nilang itaas ang kanilang kamay ni ‘Brader’.


Walang masamang magpakalat ng mga ‘mabuting balitang’ mula sa Bibliya, pero ang gamitin ang relihiyon para sa malakihang delihensiya at pagtakpan ang warrant of arrest ay sobrang mali!

 
 

Todo-PR na ngayon dahil bumuwelta at nagbabalik ang istasyon

ni Chit Luna - @Yari Ka! | December 19, 2020


Tila nayanig ang matabil na pulitiko sa posibleng buwelta ng ‘malaking istasyon’ sa kanya dahil sa malaking papel na kanyang ginampanan dahilan kaya tuluyang nabasura ang prangkisa ng istasyon nito lamang Mayo.


Ang panakot ng matabil na pulitiko ay ang kanyang pagiging miyembro ng powerful na ‘religion’, pero biglang-kambyo ito ilang linggo makaraang mabalitaan ang posibilidad na muling talakayin sa plenaryo ang prangkisa ng malaking network.


Posible umanong makakuha ng prangkisa ang istasyon, lalo pa’t mayroon ng bagong pamunuan ang Mababang Kapulungan.


Sinundan pa ito ng maugong na bulung-bulungan hinggil sa naghihintay na kapalaran ng mga kongresistang masigasig na nagsulong ng mga pagkilos kontra sa istasyon.


Ang siste, nagawan ng paraan ng istasyon na makabalik sa ere makaraang payagang iere ang mga programa nito bilang blocktimers.


Sa madaling salita, bigo silang tuluyang patahimikin ang istasyon na ngayon ay balik-ere sa telebisyon. Kaya ngayon, sa takot ng matabil nating bida, nagpalabas na rin siya ng sariling pahayag sa mamamahayag.


Siya nga pala, kilala ang nasabing pulitiko na kunwari’y kumakatawan sa marginalized sector, bilang congressman dahil may katapat na halaga ang kanyang pirma sa bawat bill sa Kamara, lalo pa’t may involved na pera. ‘Yun marahil ang ikinatakot niya — ang pagsambulat ng kanyang katakawan sa pera habang nasa Kamara.


Ayon sa opisyal ng gobyerno na mahusay mangolekta, puwedeng mabigyan ng prangkisa ang istasyon sa ilalim ng bagong Speaker kung maitutuwid aniya ang isyung ipinupukol hinggil sa manggagawa.


‘Susmaryosep, maka-epal lang, maski gastadong linya gagamitin sa kanyang press release. Oh, hayan, ha, pinatulan na namin ang press release mo. Tsk!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page