top of page
Search

Para makakuha ng basbas sa mas mataas na puwesto!

ni Chit Luna - @Yari Ka! | January 12, 2021


Isang opisyal ng gobyerno ang paksa ngayon ng bulung-bulungan hinggil sa pagiging salawahan — hindi sa kanyang kabiyak kundi sa kanyang kinabibilangang sekta ng pananampalataya.


Usap-usapan ngayon sa mababang kapulungan ang umano’y paggapang nito sa iba’t ibang religious groups para kumuha ng basbas sa kanyang political plans sa hinaharap. Pero lingid sa kaalaman ng nakararami na mayroon siyang dalawang sektang itinatangi. Ang kanyang religious group na kinabibilangan at ang religious organization na pinamumunuan ng mayamang pastor na malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte.


Ang siste, nahihirapan siya ngayong manimbang sa pagitan ng kanyang sektang kinabibilangan at sa pastor na nagmamando sa kanya dahil magkasaliwang posisyon ng magkabilang panig.


Hindi naman niya magawang talikuran ang kanyang kinabibilangang sekta dahil may kakayahan itong mag-deliver ng solid vote sa sinumang kandidato, mapa-national o local level, dahil na rin siguro sa umiiral na doktrinang mahigpit na ipinagbabawal ang pagsuway ng mga miyembro sa anumang pasya ng kanilang nakatataas.


Hindi niya maaaring kalimutan ang dahilan kung bakit siya nasa puwesto.


Pero paano siya tatanggi sa lambing ng pastor na BFF ng ‘powerful man’ ng bansa?


Bago pa man masagot ang nasabing tanong, alamin natin kung ano nga ba ang kanyang pakay sa paglapit sa pastor na BFF ng ‘powerful man’.


Disyembre nitong nakaraang taon nang naulinigan ang panibagong House leadership take-over mula sa kauupo pa lang ni House Speaker Lord Allan Velasco. Hindi aniya nagustuhan ng grupo ng nasabing congressman ang naging bagong kalakaran, partikular sa usapin ng congressional allocations.


Sa pakiramdam ng kagalang-galang na kongresista, kakayanin niyang magmobilisa para sa bagong House take-over lalo pa’t nag-umpisa nang pumasok ang mobilization funds mula sa lider ng kanyang sektang kinabibilangan.


Bagama’t nakakuha ito ng basbas mula sa kanyang sektang kinabibilangan, pinayuhan naman siya ng pastor na BFF ng ‘powerful man’ na huwag nang manggulo, kasabay ng pangakong dadalhin siya nito sa Senado pagsapit ng 2022.


Hindi niya ngayon alam kung paano kakambiyo lalo pa’t pasok na sa kanya ang mobilization fund mula sa most influential religious organization sa bansa.


Ang tanong — alam kaya niyang nag-uusap na ngayon ang dalawang religious leaders na kanyang pinamamangkaan?

 
 

Todo-patol pa sa gov’t official na may sabit, nabuking!

ni Chit Luna - @Yari Ka! | January 5, 2021


Sa kostumbre ng mga Pinoy, partikular sa hanay ng mga mapera at maging ‘yung mga nasa poder, ang pagkakaroon ng extra-marital affair ay “normal” lalo pa’t hindi lamang iilan sa kanila ang pasok sa kategoryang “two-timer.”


Karaniwang pasok sa nasabing imoral na gawain ay ang kalalakihan kaya naman, laking-gulat natin na malamang mayroon ngayong karelasyon ang byuti at prominenteng babaeng government official sa isang opisyal ng gobyerno.


Nanatiling single ang nasabing government official kaya naman, may karapatan din siguro siyang umibig at ibigin ng lalaki, anuman ang katayuan nito. Ang siste, umiibig at patuloy na may relasyon ang babaeng government official sa opisyal ng gobyerno — na may sabit!


Hindi naman ito nakapagtataka dahil dating nanungkulan ang ‘Ginoo’ sa ahensiya kung saan ngayon nagtatrabaho ang ating byuting bida kaya naman, mayroon silang “common interest at denominators.”


Ang totoo, ang nasabing “common denominator” sa pagitan ng dalawa ang naging mitsa upang mag-alab ang relasyon ng may sabit at ng kabit! ‘Kalokah!


Sa kabilang banda, nakakabilib ang dalawang love birds dahil sa angking pag-iingat upang hindi sila makaladkad sa malaking eskandalo. Bagama’t nagkikita (face-to-face) sila sa hindi mabilang na official functions, hindi sila kakikitaan ng anumang ‘ugnayan’.


‘Yun nga lang, ang lahat ng lihim ay tiyak na sisingaw at sisingaw din sa maling hakbang o hindi inaasahang pilantik ng dila ng mga taong malapit sa kanila — at ‘yun na nga ang nangyari. Mabuti na lang sa ilang piling kaibigan lamang ito nabunyag.


Heto na nga ang clue, dating mayor ang ‘Ginoo’, samantala kilala namang pasaway ang byuting government official — feeling VIP to the max! May advance party at convoy pa siya sa bawat dinadaluhang pulong o pagtitipon.

 
 

Nakipag-“friends” sa mga nasa drug watchlist

ni Chit Luna - @Yari Ka! | December 29, 2020


Isang dating tagapagsalita ang palihim na gumagapang sa paglalatag ng political network para sa kanyang tangkang pag-angat sa puwesto sa gobyerno.


Ang siste, wala siyang makuhang matinong taong magsisilbing ‘point man’ niya sa local level dahil sa kanyang hindi kagandahang record bilang gov’t. official, kaya naman pinili niyang i-recruit ang mga narco-politicians o ‘yung mga pulitikong nasa drug watchlist.


Sa kanyang paggapang, mukha namang wala sa intensiyon niya ang manalo, lalo pa’t isang tulog na partido ang kanyang sinamahan matapos siyang ideklarang persona non grata ng mga mismong partidong kanyang dating kinabibilangan.


Gamit ang partidong ito, inaasahang makalilikom ng malaking pondo ang nasabing pulitiko.


Isang taong malapit sa kanya ang nakahuntahan natin nitong Sabado. Aniya, plano ng ating bida na kumita ng kaliwa’t kanan mula sa mga tinatawag niyang “dubious characters.”


Pera rin ang katapat para ampunin niya ang mga taong nagnanais kumandidato pero walang partido. Lubhang importante ang maging official candidate ng accredited na political party, lalo pa’t kaakibat ng pagiging official candidate ng partido ay ang karapatang makakuha ng sipi ng election returns at karapatan para makapagtalaga ng mga precinct watchers. Madali rin makapangilak kung nasa official line-up ang kandidato — anumang posisyon ang targetin.


Sayang naman dahil ang taong nagtatag ng partidong nais niyang gamitin sa personal na interes ay kagalang-galang at tunay na iniidolo sa hanay ng mga sundalo.


Sa pagbubuklat ng record nito, hindi rin mabilang ang kinasangkutan nitong sigalot — at lahat ng ito’y hindi barya!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page