top of page
Search

ni Chit Luna - @Yari Ka! | January 28, 2021


Ganu’n yata talaga ang pulitika, matapos makuha ang gusto ay biglang kambiyo. Tulad nitong isang opisyal ng gobyerno na lubos na pinanggagalaitihan ng kanilang ‘boss’.


Bulung-bulungan ngayon ang pagtalikod ng ating bida sa pamilya ng kanilang powerful na ‘boss’ na siyang tumulong upang siya ay maabsuwelto sa kasong kanyang kinaharap.


Ilang araw pa lamang ang nakalilipas mula nang mabasura ang kaso laban sa kanya, tinalikuran na niya ang pangakong tutulong sa napipintong pagsabak sa 2022 election anak ng kanilang ‘boss’.


Sa halip, siya ngayon ay harapang nagpahayag na susuportahan ng kanyang partido ang kandidatura ng kapwa opisyal ng gobyerno na kilala rin sa larangan ng sports.


Ang siste, buong akala ni ‘boss’ na pahuhupahin ng inggratong opisyal ang ambisyon ng kapwa gov’t. official at hihimukin na lamang itong tumakbo sa mas mababang posisyon.


Lingid sa kaalaman ni ‘boss’, ito pa pala ang nagbuyo na asintahin ang pinakamataas na posisyon dahil baka matulad lang ito sa kasalukuyang nakaupo na sinikil ng administrasyon.


Bukod sa mahahati ang botong magmumula sa katimugang bahagi ng bansa, nawalan din sila ng malaking sponsor.


Sinisisi ngayon ng mga taga-Mindanao ang inggratong opisyal ng gobyerno. Wala dapat agam-agam ang administrasyon sa pagkawala ng mga dating tagasuportang nabibilang sa mga makakaliwang puwersa kung papanig sa kanila ang ‘manok’ na atleta.


Bagama’t kilala ang ating bida na may kamandag sa kinabibilangang lapian, pangako ng mga taga-Mindanao na wala itong makukuhang suporta mula sa kanila.


Kasalukuyan na rin niyang ginagapang ang partidong pinamumunuan ng mayamang mag-asawa na kapwa niya opisyal ng gobyerno.

 
 

ni Chit Luna - @Yari Ka! | January 23, 2021


Bagama’t nananatiling kabilang sa talaan ng mga lungsod na agresibo ang real estate business, hindi natin mairerekomenda ang pagbili ng lupa sa South kung saan kabi-kabila ang mga insidente ng land grabbing.


Sa likod ng kahabaan ng luntiang highway ay nakaambang peligrong dala ng sindikatong pinamumunuan ng tanyag na retiradong heneral.


Sa pinakahuling kaganapan, 29 katao, kabilang sa isang grupo ng lot owners ng yayamaning Valley Golf Subdivision ng nasabing siyudad ang nabiktima ng nasabing heneral.


Noong Biyernes, dumating ang sasakyang lulan ng pulutong ng mga armadong kalalakihang humahangos pang tumungo sa dulong bahagi ng ‘valley golf’ at doo’y tinakot at pinalayas ang mga lot owners, caretakers at blue guards ng naturang subdivision dahil pagmamay-ari daw ng kanilang among heneral ang naturang lugar.


Mayroon mga ibinahaging dokumentong pinadala ang mga biktimang inagawan ng lupa ng bruskong retired general.


Tumambad ang pangalang “General Yacap” na umano’y nag-utos sa mga armadong pulutong na pasukin at i-take-over ang lugar.


‘Susmaryosep… 29 ang lumalabas na parang inagawan lang ng kendi ni General! Tinangka na rin umano nilang humingi ng tulong sa lokal na gobyerno na agad namang nagbigay-direktiba sa PNP na iproseso ang reklamo laban sa nasabing retired PNP general.


Ang siste, nang malaman nilang si General ang irereklamo ay parang bulang nawala ang mga imbestigador at maging ang hepe na siyang personal na pinakisuyuan ng kinatawan ng city government na unang nilapitan ng mga biktima.


Wala ni isa man sa pulisya ang naglakas-loob na marinig o tugunan man lamang ang kanilang hinaing.


Huli na raw nang mabatid nila mula sa iba pang naging biktima ng land grabbing na si “General Yacap” pala’y sadyang tigasin at hindi kayang salingin sa kanyang walang humpay na agaw-lupa sa nasabing lungsod, maging sa karatig-bayan.


Lumalabas ding may mga sapagkat si General sa mga sangay ng gobyernong nangangasiwa sa paggagawad ng titulo ng lupa.


Mantakin mong may hawak na titulo ng lupa ang mga biktima, pero heto siya na bukod sa sariling titulo ay mayroon ding ilang kaduda-dudang dokumento pa itong pinangangalandakan na nagsasabing kanselado na ang mga titulong iginawad ng nasabi ring ahensiya sa mga taong na-osdo niya.


Walang nagawa ang mga kaawa-awang naagawan ng lupa makaraang makaranas ng matinding banta, dahilan upang kalimutan na lamang nila ang pundar na lupa na mula sa dugo’t pawis ng pagtatrabaho sa mahabang panahon.

 
 

Wa’ takot sa demanda sa lakas ng kapit sa ‘husgatong’ at ‘pesocutor’, scam pa more!

ni Chit Luna - @Yari Ka! | January 21, 2021


Walang takot sa demanda ang isa sa pinakamalaking housing developer sa Calabarzon.

Kabi-kabila ang ginagawa nitong panunuba dahil nakatitiyak itong ibabasura lamang ang mga kasong isasampa laban sa kanila.


Ang pinakahuling biktima nito ay sub-contractor mula sa isang construction company na sukdulang ipangutang ang proyektong iginawad sa kanya ng housing developer.


Noong 2018, nang igawad ng mga dorobo sa biktima ang pagtapos ng mga housing projects. Halos patapos na nang patigilin siya sa paggawa bunsod umano ng cease and desist order na ipinalabas ng lokal na pamahalaan ng probinsiya.


Kampante naman sana siya dahil sa pangakong magbabayad ang mga ito sa loob lamang ng dalawang linggo.


Ngunit lumipas ang dalawang linggo, buwan at taon — walang naganap na bayaran. Bukod sa hindi na makontak sa telepono, mahigpit ding ipinagbilinan sa mga sekyu ng residential subdivision kung saan nakatira ang mga balatuba, na huwag siyang papasukin.


Sa madaling salita, nauwi sa pagsasampa niya ng asunto sa pag-asang ang mga tanggapan sa bulwagan ng hustisya sa kabisera ng probinsiya ang makatutulong sa kanyang kinasadlakang pagkakabaon sa napakalaking pagkakautang sa suppliers at manggagawa.


Lingid sa kanyang kaalaman, pawang sanggang-dikit pala ng mga dorobo ang ‘husgatong’ (husgadong may patong) at ‘pesocutor’ (pera-perang prosecutor) na humahawak sa kanyang kasong isinampa.


Dahil hindi naman sumisipot sa hearing ang mga akusado, puro delaying tactic ang nangyari — reset dito, reset doon hanggang sa hindi sinasadyang maibulalas ni ‘Pesocutor’ na mayroon din siyang bahay sa isa sa mga residential subdivisions na dinevelop ng mga akusado na malalapit niyang kaibigan.


Sa kabila ng hindi pagdalo ng mga inireklamo, hindi nagpalabas ng warrant of arrest ang ‘Husgatong’, na kalaunan ay ibinasura na lang ang kaso.


Sa pagsasaliksik ng Yari Ka!, lumalabas na hindi lamang pala ang kaawa-awang sub-contractor ang nasuba ng korporasyon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page