top of page
Search

ni Chit Luna - @Yari Ka! | March 2, 2021


Sa hinaba-haba ng panahong walang natatanggap na offer mula sa mga film producer ay napilitang kumapit sa patalim ang isang aktres na higit na kilala sa kanyang pagiging pasaway sa pamilyang kanyang pinagmulan.


Ang kanyang solusyon — humanap ng tao na puwedeng sumuporta sa kanyang magarbong pamumuhay at isang de-kampanilyang abogadong may ambisyong tumakbo sa pagka-senador ang kanyang natisod.


Dahil sa husay ng nasabing de-kampanilyang abogado sa pagtatanggol ng mga tiwali at utak-sindikatong personalidad, siya ay nagkamal ng malaking salapi, na siyang ikinabighani ng laos na aktres.


Bagama’t hindi na sikat ang aktres, hindi maitatangging malakas pa rin ang dating niya sa kalalakihan kahit pa bahagyang lumobo na ang kanyang noo’y maalindog na katawan.


May-asawa na si Atty. pero walang takot nitong ibinubuyangyang sa publiko ang laos na aktres.


Bukod sa pagiging mapagpatol sa mga babae, may record din siya ng pagkabrusko.


Sa katunayan, sa ilang kasong kanyang hinawakan, makailang beses na rin siyang napagalitan ng mga huwes dahil sa paghahamon ng suntukan sa mga nakakalabang kapwa abogado.


Nito lamang nakaraang taon ay nagpasya siyang sumabak sa mundo ng showbiz bilang producer ng kanyang sariling pelikula na magtatampok sa kanyang talambuhay. Siya rin ang bida ng nasabing bio-film at bahagi rin ng nasabing pelikula ang kanyang kalukadidang aktres na niyang niregaluhan ng condo unit.


Sinetch itey kaya? Hmmm…

 
 

Raket din ng kapalmuks na partner ng opisyal ng gobyerno!

ni Chit Luna - @Yari Ka! | February 20, 2021


Sa dinami-rami ng bansang tinamaan ng lintek na COVID-19, natatangi ang Pilipinas sa may pinakamatagal na nagpatupad ng community quarantine. Bukod sa quarantine, sa bansa lamang din natin nagpatupad ng mandatory use ng face shields.


Kung susuriin maigi, ayos lang ang ginagawang paghihigpit ng pamahalaan para sa kaligtasan ng ating kalusugan.


Pero ang problema, may mga taong nasa poder ang sinasamantala ang national health emergency, tulad ng asawa ng isang ‘bisexual’ opisyal ng gobyerno.


Hindi nakapagtataka kung bakit mandatory ang paggamit ng face shields sa mga establisimyento sa buong kapuluan dahil ito mismo ang inilambing ng ating bida upang pagbigyan ang kanyang asawa na siyang may ekslusibong prebilehiyong makapagpasok ng face shields mula sa China gamit ang iba’t ibang corporate accounts.


Ang partner din niya ang nasa likod ng hoarding ng mga face shields noong Mayo — dahilan kung bakit sumirit ang presyo nito sa merkado. Matatandaang, umakyat hanggang P45 kada piraso ang wholesale price ng mga face shields, tama nabasa n’yo, wholesale price pa lang ‘yun dahil umabot sa mahigit P100 kada piraso ang bentahan ng mga ito noong kahigpitan ng ECQ at MECQ.


Samantala, nang niluwagan na ang restrictions, naisipan naman nilang gawan ng paraan na maging mandatory ito para tiyaking mabebenta pa rin ang kanilang inangkat mula China.


Hindi pa dun natapos ‘yun dahil nasarapan sa malaking pasok ng kita kaya naman puwersahan nang ipatupad ang long-term imposition ng nasabing guideline.


Bakit nga naman hindi nila nanaisin ang gawing permanente ang mandatory use ng mga face shields kung tiba-tiba sila, ‘di ba? Tsk!

 
 

ni Chit Luna - @Yari Ka! | February 16, 2021


Pihadong gusot ang pagmumukha ng dalawang opisyal ng gobyerno na lumarga ng hindi bababa sa P60 milyon para sa negosyo na kanilang pinasok.


Ang dalawa nating bida ay sumugal ng malaki sa pag-aakalang tiba-tiba sila sa Motor Vehicle Inspection System.


Kapwa sila lumarga ng tig-P60 milyon para makapagpatayo ng mga motor vehicle inspection centers, na nagsa-pribado ng inspeksiyon ng milyun-milyong sasakyan bilang requirement bago makapag-renew ng rehistro.


Ang siste, sinuspinde ang operasyon ng mga private motor vehicle inspection centers bunsod ng kabi-kabilang reklamo laban sa pagpapairal ang motor vehicle inspection system sa gitna ng krisis.


Kaya ngayon, iyak-tawa ang dalawa dahil matetengga ng hindi bababa sa isang taon ang kanilang ipinuhunan sa inaakala nilang lucrative business.


Bukod sa dalawang kongresista, iyak-tawa rin ang iba pang PMVICs lalo pa’t bawat isa sa kanila ay lumarga rin ng ganun kalaking halaga — hindi pa kasama ang padulas para lang makakuha ng exclusivity sa mga sangay ng LTO kung saan sila nagpatayo ng mga motor vehicle inspection centers.


Mali talaga ang timing ng implementasyon ng mga nasabing requirements, lalo pa’t patuloy ang paglubog ng ekonomiya sa bansa. Malaking bahagi rin ng sektor ng manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay. Linggo-linggo rin ay tumataas ang presyo ng gasolina, maging ang mga pangunahing bilihin. Sa madaling salita — krisis ang buong bansa.


Silang dalawa ang pinakamaingay sa pagdepensa sa panawagan ng mga kapwa mambabatas na nagsusulong ng suspension sa motor vehicle inspection system.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page