top of page
Search

ni Chit Luna - @Yari Ka! | March 25, 2021


Mistulang tumama sa lottery jackpot ang tiwaling opisyal ng Toll Regulatory Board dahil sa kanyang “pagtulong” na manatiling bukas ang Skyway para sa mga motorista na gustong umiwas sa madugong trapik sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.


Una nang sinabi ng malaking kumpanya ng alak na siyang namumuhunan sa pagpapatayo ng Skyway, na isasara ang kanilang proyekto bunsod ng direktiba “indefinite closure” ng TRB na ang kondisyon ay kailangan siyento por siyento nang kumpleto ang konstruksiyon ng Skyway 3.


Ang siste, gumitna ang ating bida. Siya mismo ang nakipag-usap at muling nag-alok ng tulong upang maresolba ang suliraning siya rin mismo ang nagsimula.


Ang resulta ay pera-pera ang kasunduan. Ngayon, mayroon na siyang pondo para sa kanyang planong pagtakbo bilang kongresista.


Sa ating pagsasaliksik, lumalabas na ang nasabing TRB official ay dalawang ulit na palang inilampaso nang kumandidato sa isang lungsod sa South


Napag-alamang agad na binawi ang indefinite closure nang makuha ang nakakalulang P100 milyon mula sa kinatawan ng SMC.


Bukod sa nakalululang halaga, kasama rin sa bargaining ang renewal ng PR contract ng nasabing kumpanya na pagmamay-ari ng malapit na kamag-anak ng tiwaling TRB official.


Sa usapin ng P100 milyon para sa tiwaling taga-TRB, barya lamang ‘yun kumpara sa mahigit P80 bilyong nailabas para sa nasabing proyekto.


Sana lang, matisod ng mga trusted lieutenants ang ating pagsisiwalat — ‘yan ay kung totoong nais ng Pangulo na tuldukan na ang katiwalian sa gobyerno.

 
 

‘di naman pala ‘manok’ ng kanilang ‘boss’


ni Chit Luna - @Yari Ka! | March 23, 2021


Mistulang basang-sisiw ang sikat opisyal ng gobyerno na lumustay ng malaking halaga para sa kanyang kandidatura sa pagka-Pangulo sa susunod na taon.


Bakit kamo? Buong akala niya’y siya na ang pambato ng kanilang ‘boss’ sa 2022 presidential elections.


Noong 2019 nang simulan niyang maglaan ng malaking halaga para sa paglalatag ng kanyang ‘political network’ sa buong bansa.


Naging maugong din na may buwanang retainer na ang hindi bababa sa 60,000 lider sa 17 rehiyon, 81 probinsiya, 144 lungsod, 1,498 munisipalidad at humigit-kumulang 42,000 barangay sa buong kapuluan.


Siyempre, malulula kapag nalaman kung magkano ang regular allowances ng kanyang mga regional at provincial leaders. Mayroon na ring buwanang gastos ang kanyang pinopondohan tulad ng social media campaign ng mga grupong nagsusulong at sumusuporta sa kanya.


Panay pa ang labas niya ng salapi sa lahat ng request na dumarating sa kanyang mga tanggapan sa iba’t ibang panig ng bansa.


Ayon sa bulung-bulungan, hindi bababa sa P800 milyon ang kanyang naipapamahagi mula sa kanyang bulsa. Gayunman, hindi nito iniinda ang nasabing halaga dahil sa laki ng kanyang naisampang kita sa larangan ng sports kung saan siya unang nakilala.


Pero dahil naiba ang ihip ng hangin, ceasefire muna ang pamumudmod niya ng ayuda, stop muna ang pagsagot sa sandamakmak na request at solicitation, pati guesting sa mga media forum at television programs ay pansamantalang inisantabi.


Saka na raw kapag sigurado na siyang patatakbuhin bilang pangulo. Eh, ‘di wow!

 
 

ni Chit Luna - @Yari Ka! | March 6, 2021


Pakapalan yata talaga ng mukha ang uso ngayon sa ahensiyang nasa likod ng patuloy na bulilyaso ng implementasyon ng RFID na lubos na nagbigay-yaman sa ilang appointees sa Toll Regulatory Board.


Sa ating pagsasaliksik, lumalabas na mahusay mangikil ang isang appointee na ang target ay ang mga tollway operators at stakeholders ng South Luzon Expressway (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX). Hindi pa nagkasya sa pakinabang sa mga operator ng mga nasabing tollway, nadale niya rin pati ang yayamaning negosyante na kaugnay naman ng Skyway project.


Ang modus — ipabibira sa mga diyaryo, radyo at telebisyon ang kanyang “prospect” at saka aalukin ng “tulong” na kailangang tumbasan ng malaking halaga. Pero teka, hindi onetime ang pakinabang dahil puwersahan itong pinalalagda sa isang PR contract gamit ang public relations firm ng anak nito.


Nang pumutok ang bulilyaso hinggil sa RFID, kabilang din siya sa mga sinisisi sa perwisyo dulot ng palpak na pangangasiwa ng TRB sa mga toll ways ng SLEX at NLEX.


Sa katunayan, kabilang ito sa mga pinagre-resign ng mismong taong lumagda sa kanyang appointment.


Pero sadya yatang ipinanganak itong likas na makapal ang mukha dahil nagkukumapit ito sa puwesto hanggang sa mga sandaling ito.


Ang huling balita natin ay mayroon ng mga provincial weekly newspapers ang kapalmuks, na siyang plano nitong gamitin sa pamumulitika sa mga kliyenteng hawak ng kumpanyang nakapangalan sa kanyang anak.


Ano nga ba ang meron ang taong ito at ayaw siyang bitawan na unang napabalitang tatakbong opisyal ng gobyerno sa susunod na taon?


Ano pa nga ba, eh, ‘di ‘yung bentahe ng mga provincial weekly newspapers nito na siyang magdadala ng pawang magandang balita tungkol dito.


Ang hindi alam ng Palasyo, mayroong ibang presidentiable na itinutulak ang naturang TRB appointee.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page