ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 3, 2021
Pinabulaanan ng Malacañang na hindi pinansin ng China ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapaalis sa mga Chinese vessels sa West Philippine Sea (WPS).
Noong Abril, iniulat ng task force na may mga namataang 220 Chinese militia vessels sa WPS.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tinatayang aabot sa 201 barko ang umalis sa WPS matapos makipag-ugnayan si P-Duterte kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Pahayag pa ni Roque sa kanyang press briefing, "Hindi po totoo na in-ignore ang ating Presidente… 201 fishing vessels ang umalis and all because of the message of the President and the warm relations we enjoy with China.
"Doon sa natitirang kaunti, we are still hoping aalis sila."
Sa nakaraang public speech ni P-Duterte, aniya ay malaki ang utang na loob ng Pilipinas sa China ngayong nakikibaka ang bansa laban sa COVID-19 pandemic ngunit aniya, ang territorial waters ng ‘Pinas ay "cannot be bargained."
Samantala, matatandaang kamakailan ay nagsampa na ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China dahil sa patuloy na presensiya ng mga Chinese vessels sa WPS.