ni Jasmin Joy Evangelista | March 23, 2022
Arestado ang dalawang Chinese nationals matapos mahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) Central Visayas dahil sa umano’y pagbebenta ng mga pekeng gamot na nagkakahalagang P500,000 sa dalawang magkaibang shop sa Mandaue City, Cebu.
Kinilala ang mga suspek na sina Shi Wenpai, may-ari ng Hua Long Supermarket; at Wu Xiao, store manager ng Laoxiang Supermarket, na kinasuhan na ng violation of Republic Act 8203 o ng Special Law on Counterfeit Drugs.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ngayon si Alexine Rapunzel Ong Dy, may-ari ng Laoxiang Supermarket, na wala sa lugar kung saan nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad noong March 18.
“This (operation) was conducted in the wake of President Rodrigo Duterte’s call to hold accountable establishments or individuals caught trading fake medicines or selling medicines without proper documents,” ani NBI-7 sa isang written statement na ipinadala sa mga reporter.
Nakumpiska sa mga Chinese shops ang Amoxicillin Capsules 0.25 grams, OCT Lianhua Qingwen Jiaonang; at, CSPC Arbidol Hydrochloride tablets 0.1g WT 2015009 label in Chinese characters. Ang mga gamot na ito ay pinaniniwalaang ginagamit bilang gamot sa COVID-19.
Naglabas na ng search warrant si Executive Judge Allan Fransisco Garciano ng Regional Trial Court sa Mandaue City na siyang gagamitin ng NBI sa pagsasagawa ng operasyon.