ni Madel Moratillo @News | August 14, 2023
May 21 Chinese maritime militia vessels ang namataan ng isang U.S. maritime security expert na patungo sa direksyon ng Pag-asa Island sa West Philippine Sea.
Sa isang post sa kanyang Twitter account, sinabi ni dating U.S. Air Force official at ex-Defense Attaché Ray Powell na ang 21 Chinese vessels na ito ay pinaniniwalaang kabilang sa mga nauna nang nakita sa Ayungin Shoal.
Posibleng kabilang din ito sa insidente noong Agosto 5 kung saan binomba ng tubig at nagsagawa ng delikadong maneuver ng barko ng Chinese Coast Guard sa barko ng Philippine Coast Guard at mga bangka na may dalang supply para sa BRP Sierra Madre.
Ang mga nasabing barko ng China ay patungo aniya sa hilagang bahagi ng Pag-asa Island.
Bukod dito, may 19 Chinese militia ships ang nananatili rin umano sa Ayungin Shoal.
Ang 3 barko ng Chinese Coast Guard na kasama sa pagharang sa barko ng Pilipinas ay nakabalik na aniya sa Hainan Island, habang ang 3 iba pa ay walang katiyakan.
Matapos ang August 5 incident, muling nagpadala ng note verbale ang Pilipinas sa China.