ni Lolet Abania | January 28, 2021
Nagsimula na ng paggamit ng anal swab para sa COVID-19 testing ang mga mamamayan ng China.
Ayon sa Agence-France Presse, naglabas ng ulat ang China state TV na mayroon umanong ilan na nagdududa sa ganoong klase ng paraan ng pagkuha ng swab sample.
Subalit sinasabi umano ng mga doktor na mas mabisa ang nasabing sistema dahil agad nakikita ang virus.
Sa report, kabilang sa mga isinailalim umano sa anal swab ay ilang residente sa Beijing na nagpositibo sa coronavirus at mga nasa quarantine facilities kaya ito isinagawa para masuring muli.
Ayon din sa mga dalubhasa, mas epektibo umanong ma-detect ang virus sa isang tao kapag sa puwet kukunin ang swab sample kaysa sa kasalukuyang paraan na throat at nose swab.
Paliwanag din ni Li Tongzeng, senior doctor mula sa You'an Hospital sa Beijing, mas tumataas ang detection rate sa mga taong infected. Matutukoy dito nang husto ang virus na matagal manatili kumpara sa respiratory tract o kaya sa lalamunan ng isang tao.
Gayunman, may ilang residente ang nagsasabing nakakahiya ang ganitong uri ng anal swab para sa COVID testing. Aminado naman ang ilang doktor sa China, hindi na nila palalawigin ang paggamit ng anal swabs sa COVID-19 testing dahil sa isyu ng inconvenience ng mga pasyente.