top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 30, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Inihain ng inyong lingkod ang National Education Council Act (Senate Bill No. 2017) para matugunan ang kawalan ng long-term vision o pangmatagalang plano sa edukasyon. 


Sa ating panukala, iminumungkahi natin na bumuo ng National Education Council (NEDCO) na lilikha ng national education agenda at paiigtingin ang ugnayan sa tatlong ahensya ng edukasyon sa bansa — ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). 


Patuloy kasi ang pagbabago ng mga skills at ang pangangailangan ng mga industriya kaya kailangan natin ng long-term vision para iisa lang ang ating direksyon pagdating sa pagpapatupad ng mga programa sa sektor ng edukasyon. 


Sa ilalim ng naturang panukala, magiging mandato sa NEDCO na gawing institutionalized ang isang sistema ng koordinasyon sa buong bansa pagdating sa pagpaplano, pag-monitor, pagsusuri, at pagpapatupad ng national education agenda.


Layon nitong tiyakin na sumusunod sa isang estratehiya ang DepEd, CHED, at TESDA, at maiwasan ang mga posibleng overlap at kakulangan na magdudulot ng hindi magkakaugnay na mga polisiya, programa, at plano. 


Upang maiangat ang performance ng mga mag-aaral, kasama sa mga magiging mandato ng NEDCO ang pagpapatupad ng isang action agenda para matulungan ang bansa na magtagumpay sa edukasyon at magkaroon ng mataas na marka sa mga batayang tulad ng National Achievement Test, Programme for International Student Assessment, Education Index, Education for All Development Index, at iba pa. 


Mayroon naman nang nilikha noon na mga lupon, tulad ng National Coordinating Council for Education (NCCE) sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 273 s. 2000 at ng Presidential Task Force to Assess, Plan and Monitor the Entire Educational System sa ilalim ng EO No. 652 s. 2007 — pero marami sa mga layuning ito ang hindi natupad nang hatiin sa tatlong sektor ang buong sistema ng edukasyon o ang tinatawag na Trifocalization of Education System. 


Inirekomenda na ng 1991 Commission on Education (EDCOM) ang paghahati sa tatlong ahensya ng sistema ng edukasyon sa bansa. Ngunit inirekomenda rin ng 1991 EDCOM na magkaroon ng isang national council para matiyak ang ugnayan sa polisiya ng tatlong mga ahensya. 


Kadalasa’y hindi natin napupuna o kinikilala ang mga teknikal ngunit mahahalagang hakbang upang gawing mas epektibo ang paghahatid ng edukasyon sa mga kabataan, tulad nitong national council para sa edukasyon. 


Kaya naman bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating titiyakin na maipapatupad ang mga patakaran, programa, at polisiya na makakapagpabuti sa sistema ng edukasyon sa bansa.


Upang magtagumpay tayo rito, walang patid tayong makikipag-ugnayan sa iba pang mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, sektor ng pagnenegosyo, akademya, at iba pang mga public at private stakeholders na may mahalagang papel sa sektor ng edukasyon.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 27, 2023




Nagbahagi si Popoy De Vera, ang Chairman ng CHED (Commission on Higher Education), ng magandang balita tungkol sa pagtaas ng bilang ng mga nag-apply sa mga pampublikong unibersidad, sa isang panayam sa "Bagong Pilipinas Ngayon" ng PTV ngayong Miyerkules.


Noong 2023, halos dalawang milyong estudyante ang nag-aaral sa mahigit 200 pampublikong unibersidad nang walang bayad sa matrikula o iba pang bayarin.


Ayon kay De Vera, masamang balita na maraming nais pumasok sa unibersidad na mula sa mga pamilyang may kakaunting kita ang nauunang apektado.


Sinabi niya na nauunawaan ng CHED na maaaring magkaproblema sa standardized admission tests ang mga mag-aaral na hindi mayayaman.


Binigyang-diin ni De Vera na kinakailangan ng CHED na magtuon sa "inclusive education," na nangangahulugang kinakailangan ang pagsusuri ng mga pamamaraan sa pagtanggap ng mga estudyante sa lahat ng pampublikong unibersidad.


"We will ensure that all degree programs in universities are world-class or up to the standards, requiring all of them to have a certificate of program compliance, qualified faculty, good curriculum necessary facilities," aniya.


Ipinahayag din ng chairperson na "Equity Inclusive Education" ang magiging gabay sa misyon ng CHED sa taong 2024.

 
 

ni Mai Ancheta @News | July 12, 2023




Maituturing pa ring good news ang pag-alis ng mga Filipino nurses para mag-abroad kahit nahaharap ang Pilipinas sa kakulangan sa nars.


Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero de Vera, kahit may exodus, maituturing pa ring magandang balita ito dahil nangangahulugan lamang na pang-world class ang mga Pinoy nurse.


Mas mag-aalala aniya ang gobyerno kung hindi tatanggapin ang mga Filipino nurse sa abroad.


"The fact that our nurses are in-demand abroad is actually good news because that means we produce world-class nurses," ani De Vera.


Indikasyon umano ito na maganda ang kalidad ng sistema sa edukasyon ng Pilipinas dahil nakakapagpatapos ng magagaling na nars ang bansa.


Matatandaang nagtakda ng limitasyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mula 5,000 hanggang 7,000 sa deployment ng Filipino nurses sa ibang bansa dahil nauubusan na sa mga pampublikong ospital.


Ang iba namang nurse na nasa pribadong pagamutan ay kumukuha lamang ng kanilang karanasan at training bilang paghahanda sa kanilang pag-a-abroad.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page