ni Lolet Abania | January 19, 2022
Isang 15-anyos na lalaki ang namatay habang sugatan ang 19-anyos na kanyang angkas nang sumemplang ang kanilang motorsiklo, matapos na takasan ang isang police checkpoint sa Quezon City ngayong Miyerkules ng madaling-araw.
Nakaposisyon ang checkpoint sa bahagi ng Banawe corner Calamba Streets, alinsunod sa ipinatutupad na Oplan Sita ng mga awtoridad.
Ayon sa mga police officers na naka-duty, sisitahin lamang nila ang dalawang binatilyo dahil sa wala silang suot na mga helmet.
Subalit sa halip na huminto sa checkpoint ang mga binatilyo, pinaharurot pa ng takbo ang kanilang motor. Agad naman silang hinabol ng mga naka-duty na mga pulis.
“They disobeyed deliberately the Oplan Sita and they sped off instead. However our TMRU (Tactical Motorcycle Riders Units) conducted the chase... The suspects, while being chased, they drew their firearm. Accidentally the firearm dropped,” ani Police Lieutenant Colonel Tyrone Valenzona, commander ng La Loma Police.
Umabot ang habulan sa C3 Road sa Caloocan City hanggang sa maaksidente ang motorsiklo ng dalawang binatilyo.
Sa salaysay ng 19-anyos na angkas, pinahihinto na niya ang kaibigan pero itinuloy pa rin nitong pinaharurot ang motor.
“Ayaw niya na ring pigilan, ayaw na niyang ihinto. Natatakot lang din po kaya niyakap ko na lang din siya. Noong nasa dulo na po, dire-diretso na po kami nu’n. Hindi namin akalain ‘yung lubak. Doon na po kami tumilapon. Doon na, nagdugo-dugo na ‘yung ulo
niya,” sabi ng binatilyo na nagtamo naman ng mga sugat sa kaliwang binti at balikat.
Ayon sa pulisya, isang caliber .38 pistol ang kanilang nakumpiska, kung saan itinapon umano ito ng 19-anyos na binatilyo sa gilid ng kalsada.
Gayunman, itinanggi ito ng binatilyo at hindi umano sa kanya ang baril.
Mahaharap ang binatilyong suspek sa mga reklamong disobedience at illegal possession of firearms in relation to Omnibus Election Code.