ni Mary Gutierrez Almirañez | May 27, 2021
Nagkasundo ang Metro Manila mayors sa rekomendasyon na dagdagan ang mga puwedeng magbukas na negosyo at pabilisin pa ang vaccination rollout sa pagtatapos ng heightened general community quarantine (GCQ) na umiiral sa buong NCR Plus bubble.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benjamin Abalos Jr., “Ang napag-usapan po kagabi ay to open more businesses or activities at kung puwede ay lakihan ang capacity ng mga activities ng mga negosyo.”
Dagdag niya, "Itinutulak po ng mga alkalde na pati A4, bakunahan na. Ang depinisiyon po ng NEDA ay lahat ng manggagawa except those working from home."
Sa ngayon ay 4,495,375 indibidwal na ang nabakunahan kontra COVID-19.
Kabilang dito ang mga healthcare workers, senior citizens at may comorbidities o nasa A1 hanggang A3 priority list.
Inaasahan namang susunod na ang rollout sa ilalim ng A4 at A5, kung saan kabilang ang economic frontliners at mga mahihirap.
"Bago po mag-decide, nag-report po ang DOH (Department of Health) at napakaganda, bumababa na ang mga kaso, medyo maganda na ang (sitwasyon ng) ating ICU (intensive care units) at hospital beds kaya we take this with caution," sabi pa ni Abalos.
Matatandaan namang National Capital Region (NCR) ang naging sentro ng COVID-19 sa ‘Pinas kamakailan kaya kinailangang higpitan ang quarantine classifications at limitahan ang mga aktibidad upang mapigilan ang mabilis na hawahan.
Dulot ng mahigpit na community quarantine, bumaba na sa 10,723 ang active cases ng COVID-19 sa NCR, kung saan 988 ang huling nagpositibo.
Samantala, nakatakda namang magtapos sa ika-31 ng Mayo ang GCQ sa NCR Plus at pagdedesisyunan pa ang susunod na quarantine classifications, kasabay ang unti-unting pagbubukas ng ekonomiya sa bansa.