ni Lolet Abania | July 12, 2021
Iniulat ni Dr. Eugenia Mercedes Caña, chief ng Department of Health Regional Epidemiology and Surveillance Unit (DOH RESU-7) ngayong Lunes na ang Central Visayas ay nasa third wave na ng COVID-19 pandemic.
“Yes. We are in a third wave now. We have been monitoring the cases for the last 4 weeks in Central Visayas, not just Cebu City and our epidemic curve shows an upward trend,” sabi ni Caña.
Dagdag niya, ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng kaso ay ang mas maraming transmissible variants ng coronavirus na sanhi ng COVID-19.
“The virus keeps on evolving as its nature to mutate resulting to different variants which increases the virus’ transmissibility,” paliwanag ni Caña.
Isa pa sa mga nakikitang dahilan ng trend ng sakit ay ang mga gatherings o pagtitipun-tipon na isinasagawa ng ilang residente gaya ng mga kasal, fiesta at selebrasyon ng mga kaarawan.
“These events drive the transmission because you bring people together without observing the public health measures,” sabi ni Caña.
May isa pang binanggit na rason si Caña tungkol dito, ang hindi tamang pagpapatupad ng public health at social measures, at ang hindi pantay na distribusyon ng COVID-19 vaccines.
Subalit, ayon sa DOH Region VII, ang nasabing rehiyon ay mas mabuti na sa ngayon kumpara nu'ng second wave ng pandemya noong Pebrero at Marso.
Samantala, ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bineberipika na ng DOH central office ang naging pahayag ng DOH RESU-7.
Sa isang interview kay Vergeire ngayong umaga, ang Region 7 ay nakapagtala ng 2-linggong case growth rate ng -7% at average daily attack rate ng 4.5 cases kada 100,000 population.
“‘Pag tiningnan po natin ‘yan, medyo mababa pa po ‘yan and we cannot consider that as high-risk as of now,” sabi ni Vergeire.
Gayunman, paliwanag ni Vergeire, ang DOH regional offices ay may kani-kanyang sariling granular analysis ng COVID-19 data.
“Bunsod lang ito ng kanilang pag-a-analyze ng kanilang datos. Atin pong bine-verify ‘yan 'pag ganyan at kung sakaling may kulang pa silang impormasyon na naibigay, isu-supplement po natin ‘yan,” pahayag ni Vergeire.