ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 24, 2021
Isasailalim sa lockdown tuwing Linggo ang Barangay Guadalupe, Cebu City simula ngayong araw, January 24 dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19.
Ayon kay Barangay Captain Michael Gacasan, tuwing Linggo ay hindi maaaring lumabas ng bahay ang mga residente ng Bgy. Guadalupe. Ang maaari lamang lumabas ay ang mga health workers, authorized persons outside residence (APOR), at ang mga residenteng may emergency needs.
Isasara rin ang mga business establishments maliban na lamang sa mga “essential” businesses katulad ng mga drugstores.
Mananatili namang available ang public transportation sa naturang lugar.
Samantala, ang Sunday lockdown ay inaasahang magtatagal nang dalawang linggo ngunit maaari rin umanong i-extend kung kinakailangan.
Saad din ni Gacasan, “If the number of cases drops, then there’s no need to continue with the lockdown.”
Ayon sa mga local officials ng Barangay Guadalupe, 43 ang aktibong kaso ng COVID-19 at 34 dito ang naitalang bagong kaso sa loob lamang ng isang linggo na naging dahilan ng pagsasailalim sa lockdown.
Bukod sa Guadalupe, nakapagtala rin ang iba pang barangay ng matataas na kaso ng COVID-19 sa loob ng 14 araw katulad ng Basak San Nicolas (32), Lahug (32), Mambaling (27), Talamban (26), Tisa (26), Kasambagan (25), Camputhaw (24), Bacayan (23) at Punta Princesa (23).
Pahayag din ni Cebu City Emergency Operations Center (EOC) Head and Councilor Joel Garganera, “It’s quite alarming because these cases are not only contained in one area. These are actually found in 27 sitios, and they are really spread out.”