ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 20, 2021
Patay ang 35-anyos na babaeng nagsampa ng kasong rape at robbery laban sa 11 pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Basak-Pardo, Cebu City noong Lunes, bandang alas-7 nang gabi.
Ayon sa hepe ng pulisya ng Integrity Monitoring and Enhancement Group (IMEG) Visayas Field Unit na si Maj. Alejandro Batobalonos, nagtamo ng multiple gunshot wounds ang biktimang si Ritchie Nepomuceno na nagsampa ng kasong kriminal laban sa 11 police officers na na-assign sa Sawang Calero Police Station.
Naharap sa kasong robbery, arbitrary detention, grave coercion at grave threats ang 11 kapulisan sa Cebu Provincial Prosecutor’s Office. Sinampahan din ng kasong two counts of rape ang police team leader na si SSgt. Celso Colita dahil sa pangmomolestiya diumano kay Nepomuceno sa motel, ayon kay Brig. Gen. Ronnie Montejo, head ng Central Visayas police.
Tinanggal sa puwesto ang mga pulis habang nagsasagawa ng internal investigation.
Bukod kay Colita, kinilala rin ang iba pang pulis na sina Chief MSgt. Eric Edgar Ernia, Staff Sergeants Joseph Alcoseba at Michael Rhey Cabizares, Corporals Emmanuel Martinez, Rochelito Mabulay, Ejill Ferrolino, Carlo Irizari, Junel Pedroza, John Carl Aceron at Georny Abrasado.
Hindi naman kinasuhan ang hepe ng Sawang Calero police station na si Maj. Eduard Sanchez ngunit inalis siya sa puwesto dahil sa command responsibility.
Noong March 9, bandang alas-9 nang gabi, nagsagawa ng search operation ang grupo ni Colita sa bahay ni Nepomuceno sa Tungkil, Minglanilla, South Cebu dahil sa alegasyong possession of unlicensed firearms.
Ayon kay Nepomuceno, walang ipinakitang search warrant ang mga nasabing pulis at kinuha umano ng mga ito ang kanyang mga gamit kabilang na ang mga alahas.
Noong March 10, pinuwersa umano si Nepomuceno ng mga pulis na mag-withdraw ng P170,000 sa kanyang account. Bandang alas-2:45 nang araw ding iyon, dinala umano ni Colita si Nepomuceno sa motel sa Mambaling at ginahasa ang biktima.
March 11 nang pakawalan diumano ni Colita si Nepomuceno.
Samantala, noong Lunes nang gabi, natagpuan ding wala nang buhay at duguan si Colita sa loob ng comfort room ng Regional Police Drug Enforcement Unit Office.
Pahayag ng case investigator na si Police Senior Master Sergeant Jephthah Jumawan, “He was summoned to the DEU by his superior for an interview on his alleged involvement in drugs.
“Yet when he asked permission to go to the comfort room, they were shocked to hear a gunshot."
Kinukuha raw ang mga firearms sa mga opisyal na tinanggal sa puwesto ngunit gumamit umano si Colita ng .45 caliber pistol upang barilin ang sarili.
Saad pa ni Jumawan, “They were shocked why he had a firearm on him.”
Samantala, patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad sa insidente.