ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 6, 2022
Hahanapin ng Cebu Chooks ng Pilipinas ang kanilang ikalawang sunod na kampeonato sa kanilang pagsabak ngayong Biyernes at Sabado sa FIBA 3x3 Ulaanbaatar Super Quest sa Sky Resort sa Mongolia. Kasama ng Cebu ang Manila Chooks na susubukang makamit ang isang tiket para sa World Tour Manila Masters sa Mayo 28 at 29.
Ganado sina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang, Brandon Ramirez at Mike Harry Nzeusseu matapos ang tagumpay sa Asia-Pacific Super Quest noong Sabado sa Solenad sa Santa Rosa City, Laguna. Natalo ang Manila sa Cebu sa semis at tiyak na babawi ang kombinasyon nina Mark Yee, Chico Lanete, Dennis Santos at Henry Iloka.
Hinati ang walong kalahok sa dalawang grupo kung saan napunta ang Cebu sa Grupo A kasama ang Ulaanbaatar MMC Energy at Amgalan MMC Energy ng Mongolia at Yokohama Beefman ng Japan. Tatlong kinatawan ng Mongolia ang haharapin ng Manila sa Grupo B na Zavkhan MMC Energy at ang mga lumaban sa Asia-Pacific Super Quest na sumegundang Sansar MMC Energy at pumangatlong Zaisan MMC Energy.
Dalawang tiket ang nakataya para sa Manila Masters. Pasok na sa torneo ang Cebu, Sansar at mga naunang naihayag na Ub Huishan NE at Liman Huishan NE ng Serbia, Antwerp ng Belgium, Warsaw Lotto ng Poland at UIaanbaatar.
Dahil sa kampeonato ng Cebu at pagpasok sa semis ng Manila sa Asia-Pacific Super Quest, umakyat ng isang puwesto ang Pilipinas sa ika-28 sa FIBA 3x3 World Ranking. Layunin pa rin na paabutin sa ika-24 o mas mataas ang bansa upang magkaroon ng pag-asa na mapabilang sa 2024 Paris Olympics.
Mapapanood nang live ang lahat ng laro ng Ulaanbaatar Super Quest sa opisyal na YouTube at Facebook ng FIBA 3x3. Magsisimula ang unang laro sa 4 p.m. habang ang mga laro sa Sabado ay nakatakda para sa 2 p.m.