top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 13, 2023




Nakumpiska ang halos P7 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang 31-anyos na lalaki sa isang buy-bust operation sa Barangay Bulacao, Cebu City ngayong Lunes.


Kinilala ng pulisya ang suspek na si Renan Pardo na isa umanong high-value individual.


Hinuli ng Mambaling Police Station sa ilalim ng pamumuno ni Police Major Bethooven Taneo ang suspek na may dala ng mahigit isang kilo na hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,949,000.


Haharap ang suspek sa kaso ng paglabag sa Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon pa sa pulisya.


 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 16, 2023




Patay ang 27-taong gulang na guro matapos mahulog sa bangin ang motorsiklo na kanyang sinasakyan sa Danao City, Cebu noong Linggo, ika-15 ng Oktubre.


Kinilala ng pulisya ang namatay na si Franz Marie Duterte Roble.


Angkas ni Roble ang kanyang 36-taong gulang na kapatid na si Gerly nang mangyari ang aksidente alas-11:20 ng umaga sa Sitio Langub, Barangay Guinacot.


Ayon kay Police Sgt. Ronald Gomez ng Danao City Police Station, nawalan ng kontrol sa motorsiklo ang biktima habang binabagtas nila ang isang bahagi ng kalsada na may paliko at papailalim.


Sinabi ni Gomez na ang motorsiklo ay nahulog sa isang bangin na may lalim na apat na metro.


Ayon sa pulisya, dinala ang dalawang magkapatid sa ospital kung saan idineklara ng mga doktor na si Franz ay dead on arrival. Ang kanyang kapatid naman ay nagkaroon ng malubhang pinsala sa ulo at katawan at kasalukuyang nasa ospital sa Danao.

 
 

ni Madel Moratillo | February 13, 2023



Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang sinasabing pamamahiya umano sa dalawang high school students sa Cebu City matapos akusahang nagkopyahan sa periodical exam.

Batay sa ulat sa telebisyon, kinunan pa umano ng guro ang ginagawang panenermon sa mga nasabing estudyante saka ito ipinost online. Itinanggi naman ng isa sa mga estudyante na nangopya ito.

Sa takot na ma-bully, mas gusto na lang umano nitong manatili sa bahay, hindi na rin umano ito makatulog dahil sa pangyayari.

Hindi umano niya alam na naka-video pala ang pangyayari at ini-upload pa ito sa TikTok ng guro.

Giit naman ng isang magulang, dapat ay ipinatawag na lang sila sa eskuwelahan.

Batay sa ulat, ilang araw na rin umanong hindi pumasok sa trabaho ang nasabing guro.

Ayon sa principal ng Tisa National High School, nais lang umano ng guro na ipaalam na masama ang pangongopya pero aminadong mali ang naging paraan nito.

Paalala naman ng DepEd sa mga guro, obserbahan ang mga polisiya ng DepEd partikular ang mga nagbibigay proteksyon sa mga bata.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page