top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 29, 2023




Nag-utos ng agarang suspensyon si Cebu Governor Gwendolyn Garcia para sa isang programa na nagbibigay pahintulot sa mga mahihirap na pamilya sa lalawigan ng Cebu na bumili ng bigas sa halagang P20 kada kilo, isang araw matapos itong ipatupad.


Itinigil ang Sugbo Merkadong Barato Program (SBMP) matapos lumobo ang listahan ng mga benepisyaryo mula 199,000 patungo sa higit sa 300,000.


Sa ilalim ng SBMP, inaasahan ang mga local government units (LGUs) na kilalanin ang mga pamilyang mahirap na may karapatan na makakuha ng mga produktong bigas na ibebenta sa mga pop-up shops kasama na ang Kadiwa Store.


Hanggang limang kilo ng bigas kada linggo ang maaaring bilhin ng mga benepisyaryo.


Sinabi ni Garcia na magsasagawa ang pamahalaang panlalawigan ng inspeksyon sa listahan ng mga benepisyaryo bago muling simulan ang posibleng pagpapatuloy ng programa sa susunod na linggo.


Naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng P100 milyon na pondo para sa programa, at manggagaling mula sa NFA ang suplay ng bigas.

 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 28, 2023




Arestado sa Cebu ang isang Amerikano at isang Briton na parehong may mga kaso sa kanilang mga bansa dahil sa pang-aabuso sa mga bata, ayon sa ulat ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Martes.


Sinabi ng ahensya na nahuli ang mga fugitives na sina John Tomas Minor na isang American national at Derek Gordon Heggie na isang British national, sa magkahiwalay na operasyon ng fugitive search unit ng BI noong Lunes.


Sa kahilingan ng mga otoridad ng United States (US) at Britain, naglabas si Commissioner Norman Tansingco ng mga mission order para sa pag-aresto ng dalawang indibidwal, na may kasamang impormasyon ukol sa kanilang criminal record bilang sex offenders.


“They will be deported after our board of commissioners issues the orders for their summary deportation, after which they will be included in our immigration blacklist to prevent them from reentering the country,” sabi ni Tansingco sa isang pahayag.


Binigyang-diin pa ng commissioner na hindi dapat payagan ang mga dayuhan na magtago at gamitin ang Pilipinas upang makaiwas sa mga krimen at kaukulang kaso sa kanilang sariling bansa.


Pansamantalang nakakulong sina Minor at Heggie sa opisina ng bureau sa Mandaue City.


Iniulat ng BI na ililipat ang dalawa sa warden facility ng bureau sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 15, 2023




Patay ang isang pulis nang manlaban ang suspek na kanyang inaaresto sa buy-bust operation sa Brgy. Kinasang-an, Cebu City ngayong Miyerkules.


Kinilala ang pulis bilang si Police Staff Sgt. Ryan Languido Baculi, isang tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit, na nasawi dahil sa maraming tama ng bala.


“Today (Miyerkules), the Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7) woke up to sad news that one of our personnel was killed while performing his duty. A bemedalled police officer, father of five children paid the ultimate sacrifice of being a law enforcer. We condemn the killing of our police officer who was performing his job,” saad ni Police Lt. Col. Gerard Ace Pelare, spokesperson of PRO-7 chief Police Brig. Gen. Anthony Aberin.


Nag-atas na si Aberin na isagawa ang isang manhunt operation laban sa mga suspek na nakilala bilang sina Atong Rafols at Ramil Salazar.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page