ni Thea Janica Teh | January 13, 2021
Kinakailangan nang magnegatibo sa COVID-19 test ang lahat ng pasahero ng eroplanong papasok sa United States sa loob ng tatlong araw ng kanilang departure bago payagang makapasok sa kanilang bansa, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) nitong Martes.
"Testing does not eliminate all risk but when combined with a period of staying at home and everyday precautions like wearing masks and social distancing, it can make travel safer," sabi ni CDC Director Robert Redfield. Ito ay magiging epektibo simula Enero 26, 2021 at pag-iingat na rin sa posibilidad na pagpasok ng bagong variant ng virus sa kanilang bansa.
Matatandaang nakapagtala na ng bagong variant ng virus ang bansang South Africa, Brazil at Japan. Sa ngayon ay inaaral na ng mga nabanggit na bansa kung paano ito malalabanan.
Bukod pa rito, inirerekomenda rin ng CDC sa mga pasahero na magpa-test muli 3 o 5 araw matapos ang kanilang pagdating at mag-quarantine sa bahay nang hanggang 7 araw. Ang test na ito ay para sa “current infection” at kinakailangan na may written proof ang lahat ng pasahero na ipapasa sa airlines, bago ito payagang makasakay ng eroplano.
Samantala, may ilang eksperto na ang nagbigay ng babala sa publiko na maaaring nabubuo na ang bagong variant sa loob ng US dahil sa dami ng nagkakaroon ng virus sa araw-araw at sa dami ng namamatay dito.