ni Thea Janica Teh | September 1, 2020
Pumayag na si Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang proyekto ng Sangley Airport sa Cavite at prayoridad umano ng pamahalaan na matapos ang lahat ng major infrastructure programs bago matapos ang administrasyon ng pangulo sa 2022, ayon sa Malacañang.
Nagbigay na ng go-signal si P-Duterte sa airport project kahit lumabas ang balita na isinama sa blacklist ng US ang foreign contractor nito na China Communications Construction Co (CCCC).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi umano susunod si Pangulong Duterte sa direktiba ng mga Amerikano dahil malaya at independiente ang ating bansa.
Dagdag pa nito, kinakailangan umano natin ang mga namumuhunan galing sa bansang China.
Noong August 28, nagdesisyon ang United States na i-blacklist ang ilang Chinese firms kasama ang CCCC dahil sa mga alegasyon patungkol sa pagpapatayo ng building sa South China Sea.
Ang CCCC ay pinapatakbo ng Chinese government at kasama sa Sangley Point International Airport Project ang MacroAsia ni Lucio Tan.
Ayon naman sa MacroAsia, hinihintay na lamang nito ang ibibigay na instruction ng pangulo.
Ang proyektong ito ay nagkakahalaga ng $10 billion kasama na ang land reclamation at expansion ng kasalukuyang airport.