ni Lolet Abania | May 21, 2021
Tinatayang 3 tonelada ng gamit na surgical gloves na pinaniniwalaang inipon para linisin at ayusing muli saka ibebenta ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Tanza, Cavite, kahapon.
Sa ulat ng mga operatiba ng Tanza Police at kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), natagpuan ang saku-sakong gamit na gloves sa isang housing unit sa Wellington Subdivision sa Tres Cruses.
“Meron kang makikita talaga na, sabi nga ni doktora, parang dugo tsaka mga betadine. So, talagang makikita mo siya na pinaggamitan na siya,” ani Menandro Dimaranan, opisyal ng Tanza MENRO.
Ayon sa mga residente ng subdibisyon, madalas nilang makita ang mga bulto ng surgical gloves na dinadala sa nasabing housing unit, kaya nagpasya ang mga ito na magreklamo sa barangay dahil sa mabahong amoy nito.
“Kaya ‘yung mga kapitbahay, so sa takot, eh, nagsumbong sa authority kaagad para ma-check kung ano ba talaga ‘yung nangyari,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Rolando Baula, hepe ng Tanza Police.
Gayundin, sa kanilang pag-iinspeksiyon, nabatid ng mga awtoridad na ang mga gamit na gloves ay hindi lamang nakatambak sa iisang bahay.
“Biruin, mo apat na units na talagang makikita mong bulto. Sa estimate ko, mga humigit-kumulang sa tatlong tonelada,” ani Dimaranan.
Agad namang inaresto ng mga pulis si Ernesto Latuan, may-ari ng housing unit at kanyang mga empleyado.
“Dini-dispose lang po talaga nila,” katwiran ni Latuan.
Paliwanag ni Latuan, ang mga surgical gloves ay pag-aari ng kanyang pinsan na nakiusap umano sa kanya na iimbak ang mga ito.
Subalit, hinala ng mga awtoridad na ang mga gloves ay kanilang lilinisin at saka nila ibebenta.
“Delikado talaga. Malay mo kung may COVID ‘yun, tapos ano'ng linis ginawa? ‘Yung ibang malinis na kasi, meron siyang mga plastic na nakalagay M, L, S, ‘yung mga ganoon. Ibig sabihin, pinaghihiwa-hiwalay nila,” sabi pa ni Dimaranan.
Sinampahan na ng kaso si Latuan at kanyang mga empleyado dahil sa paglabag sa Republic Act 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990 at RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.