ni Jasmin Joy Evangelista | November 17, 2021
Patay ang isang dating vice mayor ng bayan ng Maragondon matapos pagbabarilin ng kainuman umano sa lungsod ng General Trias, Cavite.
Kinilala ang biktima na si Nolito Magallanes, 54, na hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Kakandidato siya ngayong Mayo para sa muling pagka-vice mayor.
Batay sa paunang ulat ng mga awtoridad, nag-ugat ang pamamaril sa sagutan sa inuman.
Sa pahayag ng pulisya, umuwi ng bahay si Magallanes pagkatapos ng inuman pero sinundan siya ng suspek at pinagbabaril bago tumakas.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang nangyari at hinahanap ang itinuturong gunman.
Nanungkulan si Magallanes bilang bise-alkalde ng Maragondon mula 2004 hanggang 2007. Nagsilbi rin siyang konsehal at barangay official.
Bago maghain ng kandidatura para sa muling pagkabise-alkalde sa Halalan 2022, nagsilbi siyang executive assistant sa tanggapan ni Cavite governor Jonvic Remulla.