top of page
Search

ni Lolet Abania | February 13, 2022



Umabot sa halos 760 pamilya ang naapektuhan matapos ang naganap na sunog sa ilang barangay sa Cavite City nitong Sabado.


Batay sa isinagawang assessment ng tanggapan ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla sumiklab ang sunog sa Barangay 24 pasado alas-2:00 ng hapon, habang nadamay na rin ang Barangays 25, 26 at 27 ng naturang lungsod.


Sinabi ni Revilla na agad dinala ang mga pamilyang nasunugan sa Ladislao Diwa Elementary School na nasa Barangay 20 na nagsilbing evacuation center ng mga ito.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Cavite, itinaas sa ika-5 alarma ang sunog.


Binanggit naman ni Cavite Vice Mayor Denver Chua kahapon, na 30 minutong nawalan ng kuryente sa lugar subalit nang magbalik ito, nagsimula na ring masunog ang ilang kabahayan.


Sa ulat ng BFP, alas-4:30 ng hapon idineklarang fire under control, habang alas-5:10 ng hapon idineklara naman itong fire out.


Subalit, bandang alas-11:00 ng gabi nito ring Sabado nang muling sumiklab ang apoy sa lugar.


“From the fire na nag-start siya dahil light materials, mabilis po siyang kumalat. Ngayon po pati Barangay 26. From Barangay 24, 26, 25 po tinamaan na po ng sunog. Ganu’n po kabilis kumalat ang ating apoy,” pahayag ni Chua.


Gayunman, ayon sa mga awtoridad walang naitalang nasawi matapos ang sunog.


Patuloy namang iniimbestigahan ang naging sanhi ng sunog at pinagmulan nito.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 8, 2022



Hinimok ni Cavite Governor Jonvic Remulla ang mga mamamayan ng lalawigan na manatili muna sa tahanan ngayong tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19.


Ito ay matapos magpahayag ni Remulla ng pagtutol sa pagpapatupad ng lockdown sa kanilang probinsiya.


Sa kanyang Facebook post nitong Biyernes, sinabi ni Remulla na hindi na kakayanin ng lalawigan ang panibagong lockdown at marami ang maaapektuhan.


“We cannot afford another lockdown. Masyadong maraming maapektuhan. So please take responsibility for yourself and the ones you love,” ani Remulla.


Ipinaalala rin ng gobernador ang pagbabawal sa sabong, basketball, at iba pang contact sports.


“Makakaraos din tayong lahat. Kaunting ingat lang ang kailangan. Dagdagan ang kapraningan para sa kalusugan. Have faith: The beginning of the end of all this madness is upon us,” ani Remulla.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 4, 2022



Nakatakdang isailalim sa Alert Level 3 ang mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, at Rizal, mula January 5 hanggang January 15, 2022, dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19, ayon sa Malacañang.


"Due to a sharp increase of COVID-19 cases in the particular localities, the Inter-Agency Task Force (IATF) approved yesterday, January 3, 2022, the recommendation of its sub-Technical Working Group on Data Analytics to escalate Bulacan, Cavite, and Rizal to Alert Level 3," ani acting presidential spokesperson Karlo Nograles.


"This shall take effect from January 5, 2022, until January 15, 2022," dagdag niya.


Nauna nang isinailalim sa Alert Level 3 ang Metro Manila mula January 3 hanggang January 15.


Sa ilalim ng Alert Level 3, ang mga establisimyento ay papayagang mag-operate ng 30 percent indoor capacity sa mga fully vaccinated individuals at 50 percent sa mga outdoor venue capacity basta ang mga empleyado ay fully vaccinated na.


Ipinagbabawal din ang face-to-face classes, contact sports, perya, at casino sa ilalim ng Alert Level 3.


Ang trabaho sa government offices ay limitado lamang sa 60% ng kanilang onsite capacity.


Nitong Lunes, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 4,084 kaso ng COVID-19, kung saan ang kabuuang tally sa bansa ay umabot na ng 2,855,819.


Ang mga kasong naitala noong Lunes ay mas mataas sa expected prediction ng OCTA Research na nasa 3,000 hanggang 3,500 new infections.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page