ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 4, 2022
Dumurugo at balot ng benda ang ulo, nagtala ng dalawang goal sa second half si forward Arda Cinkir upang itulak ang Dynamic Herb Cebu FC sa 3-1 panalo laban sa Mendiola FC 1991 sa pagpapatuloy ng 2022 Copa Paulino Alcantara, Lunes nang gabi sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Sa unang laro, literal na naging bakbakan ang 3-2 tagumpay ng defending champion Kaya FC Iloilo sa Stallion Laguna FC.
Nag-umpugan ang mga ulo nina Cinkir at Alassane Wade ng Mendiola sa ika-49 minuto kaya napilitan silang umupo upang lapatan ng lunas. Bumalik agad si Cinkir at ipinasok ang nagpatablang goal gamit ang ulo sa ika-58 at ang nagpalamang ng goal sa ika-73 minuto.
Nagdagdag ng isa pang goal sa ika-93 minuto si midfielder Mert Altinoz upang mabuo ang tagumpay. Nakaunang goal ang Mendiola matapos ang penalty kick ni Hamed Hajimedhi sa ika-42 minuto subalit hindi ito tumagal at mas mabagsik na Dynamic Herb ang lumabas para sa second half.
Namayani ang beteranong si Jhan Melliza sa first half kung saan pinasahan niya sina Carlyle Mitchell at Shirmar Felongco para sa mga goal sa ika-10 at ika-19 na minuto. Matapos tulungan ang iba, tinulungan ni Melliza ang sarili at sumipa ng isa pang goal sa ika-28 minuto para sa 3-0 lamang.
Dahil sa panalo ng Dynamic Herb, tumalon sila sa ikalawang puwesto na may perpektong siyam na puntos buhat sa tatlong tagumpay. Haharapin nila ang mga Cebuano sa kanilang nalalabing laro sa Mayo 12, ang huling araw ng elimination bago ang semis sa Mayo 16 at finals sa Mayo 22.