top of page
Search

ni BRT @News | August 21, 2023




Hindi muna sisingilin ng bagong toll rate sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) ang mga PUV operator at driver, ayon sa Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC).


Ito'y para umano makatulong sa mga pampasaherong sasakyan tulad ng jeep, UV Express, at mga bus kaya hindi muna sila sisingilin ng bagong toll rate sa loob ng 3 buwan o 90 araw.


"We recognize the impact of the toll increase on Class 1 and Class 2 PUV drivers. That’s why we’re reactivating our Abante Card program to provide some relief during this transition," ayon kay MPTC President and CEO Rogelio Singson.


"We believe this program will help alleviate the financial burden on our valued PUV drivers and provide them with a smoother transition," dagdag ni Singson.


Kailangan lang umanong irehistro ng mga operator o drayber ang kanilang RFID account para ang luma pa ring rate ang ikakaltas sa kanila kada dumaraan sa CAVITEX.


Tinatayang nasa 160,000 motorista naman ang maaapektuhan ng naturang dagdag singil sa toll, ayon sa Toll Regulatory Board.



 
 

ni BRT @News | August 16, 2023




Inanunsyo ng MPT South na epektibo sa Lunes, Agosto 21, ang pagtaas ng toll sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX).


Kasunod ito ng pag-apruba ng Toll Regulatory Board (TRB) sa 2017 periodic toll petition ng joint venture partners Cavitex Infrastructure Corporation (CIC) at Philippine Reclamation Authority (PRA).


Sa ilalim ng Toll Operation Agreement sa pagitan ng TRB, CIC, at PRA, pinapayagan ang pagtaas ng toll sa 14-kilometrong expressway kada tatlong taon.


Mula sa MIAA Exit sa Parañaque City (vice versa) hanggang sa Longos, Bacoor City sa Cavite, ang bagong toll ay P35.00 (Class 1),  P70.00 (Class 2) at P104.00 (Class 3).


Samantala, ang mga motorista na bibiyahe ng Bacoor hanggang Kawit (vice versa) ay sisingilin ng P73.00 (Class 1), P146.00 (Class 2) at P219.00 (Class 3).


Nabatid na 160,000 kada araw ang gumagamit ng CAVITEX araw-araw.


Samantala, para sa diskwento sa toll, ibabalik ng CIC ang Abante Card program para sa mga pampublikong sasakyan.



 
 

ni Lolet Abania | May 20, 2022



Isang buhawi ang tumama sa Barangay Buenavista Uno sa General Trias, Cavite nitong Huwebes ng hapon, ayon sa City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO).


Ilang residente ng lugar ang kumuha pa ng video, kung saan makikitang nagdilim ang kalangitan habang ang mga yero at dahon ay nililipad nang paikut-ikot ng malakas na hangin na may kasamang ulan. Sumiklab pa anila, ang isang poste ng kuryente matapos na dumikit ang isang yero sa kawad nito.


Gayundin, ayon pa sa mga nakasaksi, sumasayaw ang mga sanga ng puno sa tindi ng lakas ng hangin, habang may biglang lumalagapak umano sa ibaba.


Sa inisyal na record ng CDRRMO, ilang tirahan ang pinsala dahil sa buhawi. Gayundin, may naiulat na nasaktan sanhi ng mga nagliparang bagay.


“Natuklap ‘yung mga bubong, tapos ‘yung mga shanty ay mayroong ilan-ilan na nagiba, at pati ‘yung mga puno ay nabuwal dahil sa lakas nitong buhawi,” pahayag ni Fernando Olimpo, officer-in-charge ng General Trias CDRRMO.


Ayon kay Olimpo, bumuhos muna ang malakas na ulan sa kanilang lugar nitong Huwebes ng hapon bago tuluyang nabuo ang buhawi.


“Doon nagsimula sa Barangay Buenavista Uno, then nag-cross siya ng ilog tapos dumiretso sa Barangay Santiago,” saad ni Olimpo. Inaalam na rin ng mga awtoridad ang mga napinsalang kabahayan sa lugar.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page