ni Lolet Abania | January 29, 2022
Pitong bata na pinaglaruan ang medical waste na kanilang natagpuan sa bisinidad sa kanilang lugar ang nagpositibo sa test sa COVID-19 ngayong Sabado, sa bayan ng Virac, Catanduanes.
Isinailalim ng mga awtoridad sa antigen test ang mga bata na nasa edad 3 hanggang 11, matapos na paglaruan ang mga gamit nang syringes o mga hiringgilya na itinapon sa baybayin ng Barangay Concepcion.
Isa babae naman na namataang pinagagalitan ang mga bata dahil sa pinaglalruan ng mga ito ang mga medical waste ay na-infect din sa COVID-19.
Sinabi ni Concepcion Barangay Chairman Anthony Arcilla na naka-isolate na ang mga bata at binigyan na rin ng mga bitamina at gamot.
Aniya, nakatakdang sumailalim sa RT-PCR testing ang mga ito sa Lunes.
Matatandaang unang natagpuan ang mga medical waste sa kahabaan ng baybayin ng Concepcion ngayon buwan.
Ayon sa mga barangay officials, inako na ng laboratoryo kung saan nanggaling ang naturang basura ang responsibilidad sa insidente at humingi na rin ng paumanhin sa ginanap na village council session.
Nabatid naman ng village council, na ang representative ng laboratoryo na dumalo sa sesyon ay nagpositibo sa test sa COVID-19, kaya ang mga council members na naging close contact ng lab representative ay sumailalim na rin sa quarantine.