ni Lolet Abania | December 7, 2020
Pinagsabihan ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) na dapat humingi ng paumanhin o magdeklara na lamang ng isang toll holiday ang kumpanya dahil sa kaguluhang idinulot ng pagpapatupad ng kanilang RFID cashless payment system.
"The least NLEX can do is one, publicly apologize to the riding general public. Two, while fixing its RFID system --- toll holiday muna," post sa Facebook ni Gatchalian ngayong Linggo. "Walang singilan hanggang mai-deliver nila ang maayos na service sa mga toll plaza nila," sabi pa ng alkalde.
Matinding traffic ang nangyari sa mga toll plazas sa NLEX simula nang ipinatupad ang cashless payment system noong December 1 kasabay ng ibinigay na mandato ng Department of Transportation (DOTr). Punumpuno ng mga sasakyan at napakahabang traffic sa mga lugar na malapit sa Karuhatan sa Valenzuela City dahil sa RFID sa toll gate ng lungsod.
Ayon naman sa Toll Regulatory Board, ang dami ng mga sasakyan na naipon sa expressway ay tinatawag nilang “birth pain.” Anila, ang ilang lanes ng NLEX toll plaza ay para sa mga sasakyang mayroon nang RFID, habang ang iba ay sa installation ng RFID stickers.
Gayunman, noong Biyernes, nagpadala ng sulat si Gatchalian sa NLEX Corporation chief operating officer na si Raul Ignacio, kung saan binibigyan ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang kumpanya ng 24-oras matapos na matanggap nila ang sulat, upang magsumite ng kopya ng kanilang gagawing plano para agad na malutas ang kaguluhan sa RFID.
Nakasaad din sa sulat na hinihingan ang NLEX Corp. ng 72-oras pagkatanggap nito ng paliwanag kung bakit ang kanilang business permit ay hindi dapat suspendihin. Sinagot naman ng kumpanya kahapon, December 5, ang sulat na pinirmahan ng presidente at general manager na si J. Luigi Bautista, kung saan humihingi ito ng 15-araw upang matugunan ang hinihiling na ito ni Gatchalian.
Ayon kay Bautista, nagtalaga na sila ng grupo na magsusumite ng rekomendasyon para maisaayos ang problema sa RFID sa lungsod. Inimbitahan din ng kumpanya si Gatchalian sa isang structured observation at bibisita sa toll plazas sa NLEX kasama ang mga TRB representatives.