top of page
Search

ni Lolet Abania | March 17, 2022



Nasa tinatayang 3,982 rehistrado na mga miyembro ng tricycle operators and drivers’ association (TODA) sa Quezon City ang nakatanggap na ng fuel vouchers para makatulong sa mga ito sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.


Mismong si Mayor Joy Belmonte ang nagbigay ng P500 fuel vouchers sa unang batch ng TODA members nitong Martes.


“While we are waiting for the fuel subsidy promised by the national government, we recognize the urgent need to help one of the most vital transportation sectors in our city,” pahayag ni Belmonte.


Ayon sa lokal na gobyerno ng Quezon City, ang distribusyon ng fuel vouchers ay magpapatuloy pa sa mga susunod na araw.


Una nang nagpasa ang Quezon City Council ng isang ordinansa na nag-aatas hinggil sa fuel subsidy program para sa mahigit 25,000 miyembro ng QC TODAs.


Batay sa ordinansa, ang mga kuwalipikadong tricycles-for-hire ay makatatanggap ng fuel subsidy na P1,000 na ibibigay bilang isang fuel voucher, kung saan ipapamahagi ng QC Task Force for Transport and Traffic Management sa pamamagitan ng Tricycle Regulatory Division.


Gayunman, ang kanilang implementing rules and regulations (IRR) at guidelines para sa proseso ng distribusyon nito ay hindi pa nila napa-finalized. Samantala, hinikayat naman ni Belmonte ang mga residente, lalo na ang mga motorista, na kanilang i-avail ang libreng sakay sa ilalim ng Q City Bus System, kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis.


Ang programa na inilunsad sa panahon ng pandemya, ay nagbibigay ng free rides sa lahat ng commuters, habang patuloy pa rin itong nag-o-operate sa walong ruta:


• Route 1: Quezon City Hall to Cubao;

• Route 2: Quezon City Hall to LITEX;

• Route 3: Welcome Rotonda to Aurora Blvd./Katipunan;

• Route 4: Quezon City Hall to Gen. Luis;

• Route 5: Quezon City Hall to Mindanao Ave. via Visayas Ave.;

• Route 6: Quezon City Hall to Gilmore;

• Route 7: Quezon City Hall to Ortigas Avenue Extension;

• Route 8: Quezon City Hall to Muñoz


Ang mga bus ay bumibiyahe ng kanilang ruta araw-araw mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi.


“The city’s bus augmentation program adopts an efficient mode of transportation to ease traffic congestion and reduce the transportation expenses of commuters,” ani Belmonte.


 
 

ni Lolet Abania | March 12, 2022



Nakatakdang makatanggap ng P3,000 fuel subsidy mula sa gobyerno, ang mga magsasaka ng mais at mangingisda lamang, ayon sa Department of Agriculture (DA) ngayong Sabado.


“Pawang corn farmers at mangingisda ang nasa listahan ng 162,000 na makatatanggap ng subsidy,” pahayag ni DA Undersecretary Kristine Evangelista sa isang interview.


Nilinaw naman ni Evangelista na kahit na wala sa listahan ang mga rice farmers, suportado naman sila ng isa pang cash grant program na Rice Farmer Financial Assistance (RFFA), kung saan makatatanggap sila ng P5,000 cash aid.


“Now, we are looking into corn farmers para sila naman ang mabigyan,” sabi ng opisyal. Gayundin, ang mga magsasaka ng gulay at high-value crops ay hindi nakasama sa listahan ng mga benepisyaryo para sa fuel subsidy.


Ayon kay Evangelista, tinutulungan sila ng DA sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga trak sa mga farmer cooperatives. Matatandaang ang DA ay naglaan ng budget na P500 milyon para makapagbigay ng assistance sa pamamagitan ng fuel discounts sa mga magsasaka at mangingisda, kung saan alinman sa kanila ay nagmamay-ari ng sarili at nag-o-operate ng agricultural at fishery machinery o nag-o-operate sa pamamagitan ng isang organisasyon ng mga magsasaka o kooperatiba.


Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, nakikipagtulungan na ang kagawaran sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa distribusyon ng mga cards na gagamitin ng mga benepisyaryo sa mga susunod na araw.


Aabot sa tinatayang 160,000 na magsasaka at mangingisda ang makatatanggap ng P3,000 fuel subsidy bawat isa mula sa pamahalaan, ito ay para makabawas sa epekto ng sunud-sunod na taas-presyo sa gas sa kanilang pamumuhay.


 
 

ni Lolet Abania | August 25, 2021



Inianunsiyo ng Department of the Interior and Local Government ngayong Miyerkules na pinalawig pa ang deadline ng pamamahagi ng cash aid sa Metro Manila hanggang Agosto 31.


Sa isang pahayag ng DILG, tinatayang nasa 80% o P9.1 bilyon pa lamang mula sa P11.2 bilyon pondo ang naibigay sa mga low-income individuals at pamilya nito sa National Capital Region hanggang nitong Martes.


“We have decided to give the LGUs in the NCR until the end of the month to complete the distribution of ayuda,” ani DILG Secretary Eduardo Año. Sinabi pa ng DILG, nasa kabuuang 9,101,999 benepisyaryo ang nakatanggap ng kanilang ayuda sa NCR mula Agosto 11 hanggang 24. Ayon kay Año, ginawa ang pagpapalawig ng pamamahagi ng ayuda dahil na rin sa kahilingan ng mga local government units (LGUs), na sinang-ayunan nina Department of Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista at Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana.


Gayundin, binanggit ng DILG chief na may ilang LGUs na hiniling na i-extend ang kanilang payout para sa kanilang nasasakupan sa dahilang limitado ang kanilang galaw at manpower.


Aniya, “The mayors also need more time to process appeals and grievances so it is justified for us to give an extension.” Dagdag ni Año, ang Caloocan City lamang ang nakakumpleto ng distribusyon ng kanilang social assistance fund. Natapos naman ng Pateros, Pasay, Manila, at Mandaluyong ang kanilang payout na nasa 97.34%, 95.16%, 91.57%, at 85.84%, batay sa pagkakasunod.


Una nang binigyan ng 15-araw ang mga Metro Manila LGUs para makumpleto ang pamamahagi ng cash aid, na nagsimula noong Agosto 11 at magtatapos sana ngayong Miyerkules, Agosto 25.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page