ni Lolet Abania | September 9, 2021
Mahigit sa 15 milyon indibidwal ang nabakunahan na kontra-COVID-19, ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, ngayong Huwebes.
Ito ang sinabi ni Galvez hinggil sa updates ng vaccine rollout ng gobyerno sa ginanap na pagdinig sa House committee on economic affairs patungkol sa multi-party agreements na inihain ng mga local government units (LGUs) at pribadong sektor sa pagkuha ng mga COVID-19 vaccines.
Paliwanag ni Galvez na sa kabila ng mga hamon at umano’y hadlang na nararanasan, patuloy pa rin ang pagbabakuna ng gobyerno sa bawat Pilipino.
Ayon kay Galvez nasa kabuuang 52,792,130 doses ng COVID-19 vaccine na ang natanggap ng bansa, kung saan may kabuuang 37,176,513 doses ang na-administer sa mga kababayan.
Nasa kabuuang 15,837,799 indibidwal aniya naman, ang fully vaccinated kontra-COVID-19.
Inaasahan na rin ng Pilipinas na makatatanggap ng mahigit sa 61 milyong COVID-19 vaccines ngayong buwan at sa Oktubre habang ang mga deliveries ng bakuna ng Sinovac, Pfizer at ang US-COVAX donations ay mas naging matatag sa ngayon.
Sinabi pa ni Galvez na layon ng gobyerno na makamit ang 70% fully-vaccinated na populasyon sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Metro Cebu, Metro Davao, Cagayan de Oro City, at iba pang risk areas hanggang sa katapusan ng Oktubre.
Dagdag pa ng kalihim, nais din ng pamahalaan na maabot ang tinatayang 50% para sa first dose ng bakuna sa natitirang rehiyon sa katapusan din ng Oktubre.