ni Lolet Abania | March 17, 2021
Inararo ng sports utility vehicle (SUV) ang isang bangko sa Quezon City na nagresulta sa pagkakasugat ng isang empleyado nito ngayong Miyerkules.
Sa ulat ng Quezon City Police District, kinilala ang driver na si Esther Peralta, 64-anyos, isang doktor, na aksidenteng naapakan ang accelerator kesa ang brake ng kanyang kotse habang paalis na mula sa parking space ng bangko sa may Congressional Avenue sa kahabaan ng EDSA Northbound sa Barangay Ramon Magsaysay, Quezon City kaya dire-diretsong sinuyod nito ang loob ng bangko bandang alas-8:00 ng umaga.
Umabot ang SUV hanggang sa counter ng bangko dahilan kaya nasira ang ilang gamit sa loob nito gaya ng ATM at mga computers.
"Nag-withdraw siya sa ATM. When she left around 7:30 AM, paalis na siya, eh, paatras po siya, naramdaman niya po 'yung sasakyan niya na pasulong," ayon sa imbestigador na si Police Staff Sgt. Ruel Ang. "Pinatay niya po ang engine niya, then tinry niyang ikambiyo sa park.
She started again, then the vehicle moved forward. Bumulusok na po siya tuluy-tuloy," sabi pa ni Ang. Kinilala ang biktimang si Aileen Marco, 44-anyos, bank employee, na nasugatan sa insidente at agad ding dinala sa East Avenue Medical Center habang hindi naman nasaktan ang driver na doktor.
Ayon pa sa mga awtoridad, maaaring maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property with slight physical injury ang babaeng driver. Inaalam na rin ng pulisya ang sanhi ng pagbulusok ng sasakyan.