ni Lolet Abania | October 6, 2021
Naghain na sina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III ngayong Miyerkules ng kanilang certificate of candidacy (COC) para sa pagka-pangulo at pagka-bise presidente para sa 2022 elections.
Pasado alas-11:00 ng umaga, naghain ang dalawang mambabatas ng kanilang COCs sa Harbor Garden Tent sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City.
Si Lacson ay tatakbo sa ilalim ng Demokratikong Reporma Party (Reporma), kung saan itinalaga siyang chairman ng partido nitong Hulyo.
Tatakbo naman si Sotto sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC). Siya ang umupong chairman ng NPC. Sa pagharap nila sa media matapos na maghain ng COCs, nangako si Lacson na muli niyang ibabalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.
Isusulong niya ang pagkakaroon ng disciplined bureaucracy, nararapat at tamang paggastos sa national budget, at ang pagpapaunlad ng rural areas.
“Panahon na upang maipanumbalik ang dignidad at respeto sa sarili ng bawat Pilipino sa loob at labas ng ating bansa,” ani Lacson.
Sinabi naman ni Sotto na kapag nabigyan sila ng pagkakataon na humawak at maupo sa Executive department aniya, “We will execute well.” “We know the ills, we know the solution. Balance the budget, budget reform, bring the money to the people and enhance the fight against illegal drugs by more emphasis on demand reduction strategy,” sabi pa ni Sotto.
Samantala, kinumpirma ni Sotto na hindi sila nakabuo ng isang agreement kay Vice President Leni Robredo hinggil sa isang united opposition para sa 2022 elections.