ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 29, 2021
Isinailalim sa lockdown ang isang call center office sa Davao City noong Biyernes matapos magpositibo sa COVID-19 ang 46 empleyado nito.
Ayon kay Dr. Michelle Schlosser ng COVID-19 Task Force, dumami ang bagong kaso ng COVID-19 sa naturang call center office sa Ecoland, Davao City.
Saad pa niya, “Davao City monitors active cases through our contact tracers. The company failed to provide and declare an honest and comprehensive close contact line list to the District Health Officer Contact Tracer where the office is located.”
Ang District Health Officer, Sanitation Team, Philippine National Police, at barangay council ang naghain ng lockdown notification sa naturang kumpanya sa loob ng 14 araw.
Nagpaalala rin ang awtoridad sa mga pampribado at pampublikong opisina na sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng COVID-19.
Nagsasagawa na rin ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga empleyado ng naturang kumpanya at isinailalim na rin sa isolation ang mga ito.
Samantala, noong Biyernes ay naiulat ang 173 karagdagang kaso ng COVID-19 sa Davao City at sa kabuuang bilang ay nakapagtala ng 16,561 total cases sa naturang lugar kung saan 1,381 ang aktibong kaso.