top of page
Search

ni Zel Fernandez | April 29, 2022



Tinatayang aabot umano sa mahigit 800 toneladang basura ang nakolekta ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Calabarzon sa unang quarter ng 2022.


Sa tulong ng mga trash traps at regular na paglilinis ng mga river rangers, napigilang umagos patungong Manila Bay ang tone-toneladang basura na karamihan ay nagmula umano sa mga lalawigan ng Calabarzon.


Sa tala ng DENR, ang mga nahakot na basura ay mula sa pinagsama-samang bilang ng Cavite na umabot sa higit 600 tonelada; Rizal na aabot sa 120 tonelada; Batangas na mayroong 68 tonelada, at Laguna nasa 56 na tonelada.


Habang sa kabuuan ay 600 tonelada ng mga nakolektang basura ng mga river ranger ang nagmula sa iba’t ibang lalawigan ng Calabarzon, ang natitirang 200 tonelada ay naipon naman ng mga trash trap.


Kaugnay nito, ang mga nakolektang solid waste ay itinapon sa iba’t ibang sanitary landfills at materials recovery facility sa tulong ng mga tinukoy na lokal na pamahalaan.


Ayon sa DENR Calabarzon, ngayong taon ay magdaragdag pa ng mga trash traps sa mga natukoy na daluyan ng tubig sa apat na probinsiya na sakop pa rin umano sa Manila Bay Region.


Gayundin, patuloy na magtatalaga ang kawani ng mga tagapangasiwa ng ilog upang regular na magsagawa ng paglilinis sa iba’t ibang tributaryo ng Manila Bay sa loob ng rehiyon.


Samantala, nananawagan ang DENR sa publiko na sundin ang wastong paghihiwalay o pag-uuri ng basura at ang pagtatapon nito sa mga angkop lugar upang maiwasang mapunta ito sa Manila Bay at iba pang mga karagatan sa bansa.


 
 

ni Lolet Abania | July 26, 2021



Anim na rehiyon ang mino-monitor ngayon ng Department of Health (DOH) matapos na magpakita ng tinatawag na “trend reversal”, mula sa negatibo ay naging positibo sa 2-linggong case growth rate na nagresulta sa pagtaas ng COVID-19 infections.


Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang anim na region na kanilang mino-monitor ay Metro Manila, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Central Visayas, at Northern Mindanao.


Paliwanag ni Vergeire, ang reproduction number ay bilang ng mga tao na bawat isang kaso nito na maaaring maka-infect, kung saan nakapagtala ng 1.009 sa Metro Manila, 0.95 sa Cagayan Valley, 1.12 sa Central Luzon, 0.98 sa Calabarzon, 1 sa Central Visayas, at 0.91 sa Northern Mindanao.


Kapag ang reproduction number ay 1 o mas mataas pa, ibig sabihin, nagpapatuloy ang COVID-19 transmission.


Sa buong bansa, lumabas na tumaas ang mga kaso ng COVID-19 ng 1% nito lamang Hulyo 11 hanggang 24, subalit aniya, dapat na maging maingat sa paggamit ng salitang “surge” para ilarawan ang pagtaas ng infections.


“Ang surge, meron ‘yang definition sa epidemiology which is not what’s happening right now. Tumataas mga kaso — that, we can verify,” paliwanag ni Vergeire.


Ayon din kay Vergeire, ang Cordillera at Ilocos regions ay nakapagtala naman ng isang positive 2-linggong case growth rate nitong anim na linggo lamang, habang ang Northern Mindanao at Davao region ay maingat nilang binabantayan dahil sa mataas na ICU utilization rate.


Mino-monitor din ng DOH ang 26 probinsiya na nakapagtala ng mataas na average daily attack rate at low-risk hanggang moderate-risk sa 2-linggo case growth rate subalit hindi na binanggit ng ahensiya ang mga lugar.


Nakaalerto naman ang mga awtoridad matapos na kumpirmahin ng DOH ang local transmission ng mas nakahahawang Delta variant.


Sa ngayon, nasa 119 kaso na ang tinamaan ng Delta variant, habang 12 ang nananatiling active case.


 
 

ni Lolet Abania | May 4, 2021




Inaasahan nang makakamit ng pamahalaan ang target na herd immunity sa National Capital Region (NCR) at kalapit na lalawigan sa Nobyembre, ayon sa vaccine czar na si Secretary Carlito Galvez, Jr..


“We can have herd immunity in NCR and six provinces around NCR by November. We’re looking at 180 days,” ani Galvez sa Palace press briefing ngayong Martes, kung saan katuwang dito ang mga supply chain experts ng gobyerno para sa mass vaccination program.


Inisyu ni Galvez ang statement isang araw matapos nitong ilabas ang listahan ng mga lugar na prayoridad na makatanggap ng doses ng COVID-19 vaccines dahil sa kaunting supply nito.


Kabilang sa mga lugar na dapat i-prioritize sa pagbabakuna kontra-COVID-19 ang NCR, Calabarzon at Central Luzon.


“If we can achieve herd immunity by vaccinating up to 70 percent of the residents in these areas, there is a big chance that our economy will recover and we can prevent a surge in cases,” sabi naman ni Galvez sa briefing kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi.


Ayon kay Galvez, kinakailangan ng gobyernong magkaroon ng 15 milyong doses ng COVID-19 vaccines kada buwan para mabakunahan ang 70 porsiyento ng populasyon at makamit ang pinapangarap na herd immunity ng bansa bago magtapos ang taon.


Sinabi pa ni Galvez, kailangan ng 25,000 hanggang 50,000 vaccinators para makatulong sa pag-administer ng gamot kontra-COVID-19.


Aniya, dapat ding maglagay ng 5,000 vaccination sites para makapagbakuna ng COVID-19 vaccines sa 100 kababayan kada araw sa bawat site.


Sa ngayon, umabot na sa 3,745,120 mula sa kabuuang 4,040,600 (92.68%) vaccine doses ng COVID-19 sa maraming vaccination sites sa bansa ang naipamahagi.


Ayon sa datos ng gobyerno, mahigit sa 1.6 milyong Pinoy na ang naturukan ng COVID-19 vaccines, kung saan nagsimula ang immunization campaign noong Marso.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page