ni Lolet Abania | November 5, 2020
Naghahanda na ang lalawigan ng Cagayan sa inaasahang pagtama ng Severe Tropical Storm Siony sa Northern Luzon sa Biyernes nang umaga, ayon kay Gov. Manuel Mamba.
Ayon kay Mamba, nagtalaga na ang lokal na pamahalaan ng Cagayan ng mga pulis at sundalo sa hilagang bahagi ng lalawigan para i-monitor ang sitwasyon at kalagayan ng mga residente.
May mga inilaan na ring evacuation centers para sa mga magsisilikas sa lugar. “At this point in time po, handa naman tayo. Sanay po tayo dito because this is happening to us every year po, sa totoo lang,” sabi ni Mamba sa Laging Handa briefing kanina.
“We prepare more not only doon sa bagyo, pero more on the flooding brought by the rains ng mga bagyong ito,” dagdag pa ni Mamba.
Sa inilabas na report ng PAGASA ngayong Huwebes, itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang hilagang bahagi ng Cagayan, kabilang dito ang Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Allacapan, Santa Teresita, Buguey, Camalaniugan, Aparri, Ballesteros, Abulug, Pamplona, Sanchez-Mira, Claveria at Santa Praxedes.
Gayundin, sa forecast ng weather bureau, ang Bagyong Siony ay may lakas na 120 kilometro kada oras na tatama bukas nang umaga malapit sa buong Batanes at Babuyan Islands. “We do not expect so much damage,” ani Mamba. “Of course, we prepared for the worst.”