ni Lolet Abania | August 17, 2021
Isang 11-buwang gulang na sanggol ang namatay dahil sa COVID-19 sa bayan ng Santa Praxedes, Cagayan.
Ayon sa Santa Praxedes Rural Health Unit and Birthing Center, ito ang unang kaso ng nasawi dahil sa COVID-19 sa nasabing bayan.
Batay sa nai-post sa Facebook ng SPRHU, nasawi ang beybi nito lamang Sabado, Agosto 14.
Unang isinugod ang sanggol noong Agosto 3 sa Northern Cagayan District Hospital matapos na makaranas ng pag-ubo, sipon at hirap sa paghinga.
Noong Agosto 6, isinailalim ang beybi sa RT-PCR test at makalipas ang tatlong araw, lumabas ang resulta nito na positibo sa COVID-19.
Nitong Sabado, tuluyang namatay ang sanggol habang ginagamot sa naturang ospital.
Patuloy naman ang ginagawang contact tracing ng municipal health office ng Cagayan para matukoy ang mga posibleng nakasalamuha pa ng beybi.
Gayunman, lumabas sa mga swab tests na negatibo sa COVID-19 ang pamilya, kaanak at mga close contact ng sanggol kaya palaisipan pa rin kung paano nito nakuha ang nakamamatay na sakit.
Pinayuhan naman ng lokal na pamahalaan ng Cagayan ang mga residente lalo na ang mga authorized person outside residence o APOR na dobleng ingat ang kanilang gawin kontra-COVID-19.
Samantala, hanggang nitong Linggo, Agosto 15, nakapagtala ng 23 bagong kaso ng COVID-19 sa Santa Praxedes kung saan umakyat na sa 38 ang aktibong kaso ng sakit.