top of page
Search

ni Lolet Abania | June 23, 2022



Ipinahayag ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na kanyang napili si outgoing Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello bilang chairman at resident representative ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan, at si dating Cabinet Secretary Karlo Nograles bilang chairman ng Civil Service Commission (CSC).


“Bello and Nograles join a growing pool of officials retained from the Duterte administration by President-elect Marcos in his bid to select officials with proven track records who will help in nation-building,” batay sa kampo ni Marcos.


Bago naging DOLE chief noong 2016 sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Bello ay nagsilbing cabinet secretary sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Siya rin ay naging Justice secretary at Solicitor General sa ilalim naman ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos.


Si Nograles na isa sa mga ad-interim appointees ni Pangulong Duterte bilang CSC chairman, kung saan na-bypass dahil sa kawalan ng quorum ng Commission on Appointments (CA) nito lamang Hunyo, ay napili ni Marcos sa parehong posisyon.


Bago nagsilbi sa executive branch, si Nograles ay nagtrabaho bilang lawyer at Davao City representative ng tatlong termino.


Sa ilalim naman ng Duterte administration, si Nograles nagsilbi bilang acting Malacañang spokesperson, cabinet secretary, at co-chair ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 (IATF).


“Maraming-maraming salamat po for this opportunity to continue our efforts to further professionalize the civil service, not only to make it world-class but, more importantly, to better serve our fellow Filipinos especially during these trying times,” ani Nograles sa isang statement.


“I am very excited to return to the Civil Service Commission and lead it into the better normal, together with its committed and dedicated public servants,” dagdag niya.


 
 

ni Lolet Abania | March 7, 2022



Itinalaga si Cabinet Secretary at acting presidential spokesman Karlo Nograles ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang chairman ng Civil Service Commission ngayong Lunes.


Makikita sa nai-share na larawan ng Malacañang si Nograles habang pinanunumpa ni Pangulong Duterte ngayong umaga.


Ipinahayag naman ni Nograles sa mga reporters na lahat ng kanyang tatlong posisyon ay kasalukuyan nang nabakantehan: Cabinet Secretary, acting Malacañang spokesman, at co-chair ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).


Pinalitan ni Nograles si Alicia dela Rosa-Bala, na in-appoint ni yumaong dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2015. Noong Pebrero, natapos na ni Dela Rosa-Bala ang kanyang 7-taong termino.


Batay sa Constitution, ang CSC chairperson ay mayroong fixed term na 7 taon na “without reappointment.”


Noong Nobyembre ng nakaraang taon, itinalaga ni Pangulong Duterte si Nograles, na nagmula rin sa Davao, bilang kanyang acting spokesman, kapalit ni Harry Roque, na tumatakbo sa pagka-senador sa May elections.


 
 

ni Lolet Abania | June 17, 2021



Kinakailangan pa rin ang pagsusuot ng face shield sa ibabaw ng face mask sa gitna ng patuloy na laban sa pandemya ng COVID-19, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles ngayong Huwebes.


Ito ang naging tugon ni Nograles matapos ang pahayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Leopoldo Vega kahapon, hinggil sa hindi na kailangang isuot ang face shield sa ibabaw ng face mask kung nasa labas. “We will run this through the IATF meeting later,” ani Nograles sa interview sa CNN Philippines.


Ang Inter-Agency Task Force (IATF) ay nagsisilbing policy-making body ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.


“Face shields are still required,” diin ni Nograles.


Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III na pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte na ang face shields ay dapat na lamang gamitin sa mga ospital.


“Last night, the President agreed that face shields should only be used in hospitals. Allowed us to remove ours! Attn DOH!” ani Sotto sa Twitter ngayon ding Huwebes.


Gayunman, wala pang kumpirmasyon ang Malacañang tungkol sa pahayag ni Sotto.


Nauna rito, si Presidential Spokesperson Harry Roque, na nagsisilbing tagapagsalita para sa IATF ay nananatili sa kanyang pahayag na ang pagsusuot ng face shield sa ibabaw ng face mask ay nakapagdaragdag ng proteksiyon laban sa COVID-19.


Ang naging pahayag ni Vega ang nag-udyok din kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire para banggitin ang Joint Memorandum Circular 2021-0001, kung saan nakasaad sa memo na “face shields are required to be worn in enclosed public spaces, schools, workplaces, commercial establishments, public transport and terminals, and places of worship.”


Subalit sa pareho ring memo, nakasaad na ang face shields ay kailangang isuot sa “other public spaces wherein 1 meter physical distancing is not possible and there is gathering of more than 10 people at the same venue at the same time” tulad ng sitwasyon sa mga palengke.


Samantala, ipinahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III na iaapela niya kay Pangulong Duterte ang naging desisyon umano nito na i-require na lamang ang paggamit ng face shields sa mga ospital.


Giit ni Duque, hindi pa napapanahon para balewalain ang paggamit ng face shields sa dahilang ang pagbabakuna ng gobyerno ng COVID-19 vaccine sa mga mamamayan ay nananatiling mababa.


“Any layer of protection is better than less protection,” ani Duque.


Kinumpirma naman nina Senators Joel Villanueva at Juan Miguel Zubiri ang naging pag-uusap nina Pangulong Duterte at Sotto nitong Miyerkules ng gabi, subalit ito anila ay isa lamang “off the cut” at hindi opisyal na talakayan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page