top of page
Search

ni Lolet Abania | July 7, 2021


Nakatakdang ipadala ng Armed Forces of the Philippines sa United States ang black box o flight data recorder ng Philippine Air Force (PAF) C-130 plane na bumagsak sa Sulu nitong Linggo upang makatulong sa imbestigasyon sa insidente.


“Hawak na nila (mga imbestigador ang black box) subalit wala tayong kakayahan locally na buksan at tingnan kung ano ‘yung nilalaman. Ipapadala natin ito sa Amerika,” ani AFP Chief General Cirilito Sobejana sa isang interview ngayong Miyerkules.


“Nakausap na rin natin ‘yung counterpart. Sila naman ay nag-commit na kung matatanggap na nila ay bubuksan nila kaagad upang basahin kung ano ang nilalaman nito at ipasa kaagad sa atin para makatulong nang malaki sa pag-imbestiga kung ano ang sanhi ng pagbagsak ng C-130,” dagdag ni Sobejana.


Ang C-130 plane na nanggaling sa Cagayan de Oro City at magdadala sa mga tropa ng militar sa Sulu ay bumagsak bago magtanghali nitong Linggo matapos na mawala sa runway ang eroplano sa Barangay Bangkal, Patikul, Sulu.


Limampung mga sundalo at 3 sibilyan ang namatay habang 46 servicemen at 4 na sibilyan naman ang nasugatan. Kaugnay nito, sinabi ni Sobejana na 16 sa 50 sundalo na namatay sa pagbagsak ng eroplano ay nakilala na. Gayundin, ang black box ay narekober na sa naturang lugar.


Una nang sinabi ni Sobejana na ang mga pag-uusap at naging sitwasyon bago ang pagbagsak ay mare-retrieve mula sa black box na makakatulong upang malaman ang naging sanhi ng insidente. “Malalaman natin kung ano ‘yung magiging conversation doon sa cockpit,” saad ni Sobejana.


Nilinaw ng AFP nitong Lunes na wala namang naganap na foul play sa insidente. Kahapon, itinanggi naman ng PAF ang espekulasyong nagkaroon ng overloading sa mga pasahero ng naturang eroplano.


Ayon pa kay Sobejana, nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang nasabing insidente ang huling magaganap na pagbagsak na kasasangkutan ng military aircraft. “Very clear po ang instruction ng ating Presidente na, our air assets and other military equipment should be in good shape all the time, and you cannot afford to have similar incident in the future. That (C-130 crash) should be the last,” sabi ng opisyal.

 
 

ni Lolet Abania | July 5, 2021


Nagpahayag ng pakikidalamhati ang United States sa Pilipinas matapos na isang C-130 military plane ang bumagsak sa Sulu kahapon, Linggo.


“On behalf of the United States, I offer our deep condolences to the people of the Philippines regarding the tragic plane crash in which several dozen service members were killed,” ani US National Security Advisor Jake Sullivan sa isang statement.


“Our thoughts are with those who were injured and the families of those who were lost,” dagdag niya.


Sinabi rin ni Sullivan, handang magbigay ang Amerika ng kanilang suporta sa Pilipinas kapag nangailangan lalo na sa tinatawag na disaster response.


“We stand shoulder to shoulder with our Philippine allies at this difficult time and are ready to provide all appropriate support to the Philippines’ response effort,” saad ni Sullivan.


Samantala, ayon sa Armed Forces spokesperson na si Major General Edgard Arevalo, nasa 50 indibidwal na ang nasawi sa pagbagsak ng isang Philippine Air Force C-130 plane kahapon. Kabilang dito ang 47 sundalo na lulan ng naturang eroplano, habang tatlo ay sibilyan.


Nasa 49 iba pang sundalo ang nasagip at naisugod sa ospital na patuloy na ginagamot.


Ang C-130 na may tail number 5125 ay lumipad mula sa Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City at nakatakda sanang lumapag sa Jolo Port sa Sulu nang bumagsak ito bandang alas-11:30 ng umaga kahapon.


Gayunman, agad namang naglabas ng direktiba si Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana na magsagawa ng “full investigation” hinggil sa insidente.


Ayon naman kay Chargé d’Affaires John Law, ang US Embassy in Manila ay magpapadala ng medical aid para sa mga survivors ng bumagsak na eroplano.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page