ni Lolet Abania | July 7, 2021
Inilabas na ng Armed Forces of the Philippines ngayong Miyerkules ang mga pangalan ng 19 na sundalo na kabilang sa mga nasawi sa pagbagsak ng C-130 aircraft sa Sulu. Sa 49 servicemen na namatay sa insidente, kinilala ng AFP ang 19 sa mga namatay kung saan ilan sa kanila ay sunog na sunog ang katawan at halos hindi na makilala.
Sila ay sina Major Emmanuel Makalintal, Major Michael Vincent Benolerao, First Lieutenant Joseph Hintay, Technical Sergeant Mark Anthony Agana, Technical Sergeant Donald Badoy, Staff Sergeant Jan Neil Macapaz, Staff Sergeant Michael Bulalaque, Sergeant Jack Navarro.
Mula sa AFP Medical Corps ay si Captain Higello Emeterio at mula sa AFP Nurse Corps ay si First Lieutenant Sheena Alexandria Tato. Mula sa Philippine Army ay sina Sergeant Butch Maestro, Private First Class Christopher Rollon, Private First Class Felixzalday Provido, Private Raymar Carmona, Private Vic Monera, Private Mark Nash Lumanta, Private Jomar Gabas, Private Marcelino Alquisar at Private Mel Mark Angana.
Sa ulat ng AFP, tinatayang nasa 11 na mga labi ay dinala na sa kanilang bayan, kabilang dito ang kina Emeterio, Maestro, Agana, Rollon, Provido, Gabas, Alquisar, Lumanta, Angana, Carmona, at Monera. Ang labi naman ni Sheena Alexandria Tato ay dadalhin pa lamang via C295 aircraft habang pito sa mga nakilalang bangkay ay inihahanda nang i-transport sa kanilang bayan.
Ayon kay AFP Chief General Cirilito Sobejana, nakatuon sila sa pagkilala sa 30 pang mga bangkay na nananatili sa Zamboanga City habang patuloy ang imbestigasyon sa pagbagsak ng eroplano.
Itinama na rin ni Sobejana ang naunang report na 50 ang kabuuang namatay sa hanay ng AFP personnel na aniya, nagkaroon ng dobleng bilang sa mga ito.
Sa ngayon, ang kabuuang nasawi sa mga servicemen sa pagbagsak ng military plane ay 49. “This is a very hard task since the cadavers were beyond recognition but we have experts supporting our efforts. We are doing our best to expedite the identification and the ongoing investigation without compromising its credibility,” ani Sobejana.
Hiniling din ng opisyal sa publiko ang kanilang pang-unawa habang patuloy ang investigating teams sa paghahanap ng mga ebidensiya para malaman ang tunay na naging dahilan ng trahedya.
“Our people can be assured of the AFP’s transparency however the investigation process takes time. All factors are being considered in our deliberate efforts to ensure the accuracy of the findings,” sabi pa ni Sobejana.