ni Lolet Abania | April 5, 2022
Mahigit sa P3.4 milyon halaga ng 500 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Malate, Manila, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sa isang pahayag, kinilala ng NCRPO ang suspek na si Tato Sali o “Tohanmi” na naaresto nitong Linggo sa Barangay 702 sa isinagawang joint operation ng Malate Police Station (MPS), Manila Police District (MPD), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office IV-A.
Ang suspek ay itinurn over na sa PDEA para sa pagsasampa ng kaso dahil sa paglabag nito sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Pinuri naman ni NCRPO chief Police Major General Felipe Natividad ang pulisya sa ikinasang operasyon at nagbabala sa mga drug pushers na patuloy na hahabulin sila ng mga awtoridad.
“Tigilan ninyo ang pagbenta ng iligal na droga at wala kayong puwang sa matahimik at mapagsumbong na mga mamamayan na masusing binabantayan ng ating mga kapulisan sa Kalakhang Maynila,” sabi ni Natividad.