ni Lolet Abania | November 25, 2020
Naglabas ng anunsiyo si Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III ngayong Miyerkules na ang halaga ng RT-PCR (nasal swab) test para sa COVID-19 infection ay P3,800 hanggang P5,000 maximum.
Ayon kay Duque, papatawan ng suspensiyon sa lisensiya na mag-operate ang negosyo kapag lumabag ito sa itinakdang price cap para sa first at second offense habang sa third offense ay nangangahulugan ng revocation ng lisensiya.
“Ito ang nabuo from market study. Meron itong batayan at hindi binunot lang from thin air,” sabi ni Duque.
“Ginawa nating price range kasi maraming variables. This gives laboratories leeway to consider variables,” sabi pa ng kalihim.
Kinokonsidera bilang gold standard ang test ng RT-PCR o real-time reverse transcription polymerase chain reaction para sa posibleng COVID-19 infection. Umabot din sa halos walong buwan bago naitakda ang price cap ng RT-PCR test simula ng COVID-19 transmission na nai-record sa bansa noong March.