ni Madel Moratillo | February 28, 2023
Ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Makati City ang main office ng Smart Communications Inc. na nasa lungsod dahil sa pag-operate umano nang walang business permit mula noong 2019 at kabiguang magbayad ng franchise tax deficiency na higit P3.2 bilyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng Makati City LGU na bigong makakuha ng relief ang Smart mula sa korte kaugnay ng kanilang hindi nabayarang P3.2 billion franchise tax mula Enero 2012 hanggang Disyembre 2015.
Ayon kay Makati City Administrator Claro Certeza, inatasan ang Smart na magsumite ng breakdown ng revenues at business taxes nito na binayaran ng lahat ng kanilang branch sa buong bansa pero bigo ito.
Ayon sa LGU, noong 2018, una nang naghain ng petition for review ang Smart sa Makati Regional Trial Court na humihiling na mapawalang bisa ang Notice of Assessment ng Office of the City Treasurer kung saan sinasabing hindi umano ito nagbayad ng franchise tax.
Ang Makati LGU, naghain naman ng motion for production and inspection of documents na sinang-ayunan ng korte noong 2019. Kinontra naman ito ng Smart at naghain ng opposition sa mosyon ng Makati LGU sa Court of Tax Appeals pero noong 2022 ay ibinasura ito ng CTA.
Sa isang pahayag, tiniyak naman ng Smart ang commitment sa pagsunod sa tax laws.
“Smart remains committed to complying with Makati City’s local tax ordinances, and with applicable national laws, in respect of local taxation,” pahayag ng Smart.
Sa ngayon, naka-pending pa umano ang kanilang mga isinampang kaso at makikipag-ugnayan ang kanilang legal team sa Makati LGU.
Tiniyak din ng Smart na hindi maaapektuhan ang kanilang serbisyo sa kanilang subscribers.
Ayon naman kay Makati Mayor Abby Binay, ipinatutupad sa lungsod ang pinakamataas na kalidad at safety standards pagdating sa business operation sa lungsod.