Nagbabala ang Department of Health (DOH) ng muling pagpapatupad ng lockdown kung muling tataas ang mga kaso ng covid-19 sa bansa.
Ang babala ay ginawa ni Health Usec. Ma Rosario Vergeire kasunod ng pagdagsa ng marami nating kababayan sa mga mall nitong weekend matapos magsimula ang implementasyon ng modified enhanced community quarantine kahapon, Mayo 16.
Paalala ni Vergeire sa publiko, kahit nasa MECQ o GCQ na ay nananatili pa ring umiiral ang community quarantine.
Binigyang-diin ng opisyal na bawat isa ay may responsibilidad at obligasyon na sumunod sa panuntunan upang hindi na dumami pa ang kaso ng covid-19 sa bansa.
Ayon kay Vergeire, bago lumabas ng bahay dapat isipin kung kailangan ba talagang magpunta sa mall sa panahong ito.
Nagpalabas na aniya ng guidelines ang Department of Trade and Industry para sa mall owners na dapat sundin upang hindi sila dagsain ng tao.
Umaasa aniya ang DOH na susunod ang mall owners at mga lokal na pamahalaan para maipatupad ang mga health standards upang maiwasan na ang dagsa ng tao sa mga mall.
Paliwanag ni Vergeire, nasa transition period na tayo ngayon upang mapababa pero kung biglang
tataas o magkakaroon ng surge ng mga kaso ng covid-19 sa bansa ay asahan ang posibilidad na magkaroon ng total lockdown.