Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang dine-in services sa mga fast food outlets sa mga lugar na nakasailalim sa modified general community quarantine pero hindi pa rin ito full capacity.
"Pinayagan na po ang dine-in operations pero hindi po nangangahulugang piyesta at inuman na. At sa ngayon po ang dine-in ay para lamang sa MGCQ," sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.
"Sa mga lugar na dineklara na nasa ilalim ng modified general community quarantine, dine-in restaurants ay pinapayagang mag-operate nang 50% capacity simula June 1, 2020. Pero sa lugar na nasa ilalim ng GCQ, pakihintay po ang announcement para sa mga date ng reopening. So nag-hihintay pa po tayo kung kailan puwedeng magkaroon ng dine-in sa GCQ areas," wika pa ni Roque.
Aniya, kailangan pa rin sumunod sa minimum public health standards protocol at nagbantang ipasasara ang outlet na hindi susunod sa itinakda ng Department of Trade and Industry at Department of Tourism na siyang maglalagay ng post audit mechanism.
Inilahad din ni Roque ang health protocols na itinakda ng DTI para sa pagbubukas ng dine-in services tulad ng pagbabawal sa buffet, at regular sanitation sa mga high contact areas.
Matatandaang ang mga lugar na nakasailalim sa MGCQ simula June 1 hanggang June 15 ay ang Cordillera Administrative Region, Regions I (maliban sa Pangasinan), IV-B, V, VI, VIII, IX (pwera sa Zamboanga City), X, XI (maliban sa Davao City) at XII, CARAGA, at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Habang ang Metro Manila naman at nalalabing bahagi ng bansa ay nakasailalim na sa GCQ.