Nanawagan kahapon si Mayor Toby Tiangco sa Department of Education (DepEd) na kung maaari, automatic nang ipasa ang lahat ng mga estudyante ngayong school year kasunod ng ulat ng dalawang bagong kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
“Ang Department of Health ay naglabas ng isang update na nagsasaad na mayroon na tayong dalawang bagong nakumpirma na kaso ng COVID-19 at parehong Pilipino. Ang virus ay maaaring mabilis na kumalat, lalo na sa mga mataong lugar tulad ng mga paaralan,” paliwanag ng alkalde ng Lungsod ng Navotas.
“Kaugnay nito, hinihikayat ko ang DepEd na awtomatikong magbigay ng pagpasa ng mga grades sa lahat ng mga mag-aaral upang hindi na nila kailangang mag-aral pa. Dapat nating gawin ang lahat ng kinakailangang pag-iingat upang maprotektahan ang ating mga tao, lalo na ang ating mga anak, mula sa sakit na ito,” dagdag pa nito.
Samantala, kinumpirma ng City Health Office na walang mga taong under monitoring or investigation para sa COVID-19 sa Navotas.