Tutol si Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa gitna ng mga iregularidad.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ibinahagi umano sa kanya ng Pangulo na batay sa ulat ng Philippine Amusement and Gaming Corporation ay maganda aniya ang report sa kanya tungkol dito. Aniya, maaaring magamit ang mga makokolektang buwis mula sa POGOs sa pagpondo sa iba’t ibang proyekto at maging sa pagtugon ng gobyerno sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Una nang inihayag ng kalihim na ikinokonsidera ni Pangulong Duterte ang pagsuspinde sa POGO operations sakaling umigting pa ang mga iregularidad na idinadawit dito.
Matatandaang, naalarma na rin ang ilang senador kaugnay sa talamak na krimen na pinaniniwalaang konektado sa POGO tulad ng money laundering, prostitution at drug trafficking.
“Ang sabi niya (President Duterte) sa akin kahapon, maganda ang report ni PAGCOR Head (Andrea Domingo), so okay, kailangan talaga natin ng pondo galing d’yan. Marami tayong projects na kailangan natin ng pondo. For instance, for the salaries of the nurses, teachers, madami. Ngayon may problema na naman tayo sa coronavirus, eh, di puwede rin nating pagkunan ‘yan. ‘Yang problema sa operations ay puwedeng magawan ng paraan ‘yan.
All you have to do is implement, establish laws and regulations,” paliwanag pa ni Panelo.